Matapos makipagbuno sa COVID-19, bumalik nang mas malakas si ECHO Philippines star tank/roamer Chan “Rafflesia” Fajura upang tulungan ang kanyang koponan na maputol ang kanilang losing streak sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 8.
Malaki ang ginampanan ni kapitan Rafflesia sa 2-0 sweep ng Echo kontra sa TNC Pro Team sa unang laban ng Week 4 na winakasan ang kanilang three-match skid para makatalon mula sa No. 6 papunta sa No. 3 ng standings na may 11 points at 3-4 win-loss record.
Gumaling na si Rafflesia mula sa COVID-19
“Okay na po. Energetic na,” sagot ni Rafflesia nang kumustahin ni MPL PH host Mara Aquino sa post-match interview.
Noong nakaraang linggo, nilahad niya sa Twitter na nag-positive siya sa COVID-19 at naka-isolate mula sa iba niyang teammates sa bootcamp.
Hindi siya nakapaglaro noong Week 2 kung saan natalo ang Echo sa kamay ng RSG Philippines at Blacklist International sa parehong iskor na 2-1. Bumalik siya laban sa Nexplay EVOS sa Week 3 ngunit mapapansin na matamlay ang performance ng koponan kaya na-sweep sila.
Inamin ng two-time MPL champion na naging malaking pagsubok para sa buong team ang nangyari.
“Sobrang laki po ng impact kasi ‘di po nakalaro ‘yung ibang players last week. Nagpalit po kami ng lineup kung sino po ‘yung pwedeng maglaro,” ani niya.
May panghihinayang din sa parte ng 23-year-old veteran dahil nahinto ang naipundar nilang momentum sa unang linggo kung saan winalis nila ang Bren Esports at Smart Omega.
“Ngayon na lang po kami nagkakasama-sama ulit. Ang ganda po kasi ng first week namin against Bren and Omega tapos nung pagkatapos po namin manalo nagkaroon po ng problema. Parang doon po naudlot yung momentum namin.”
Pero masaya si Rafflesia na nakapaglaro na ulit sila nang magkakasama at makabalik sa winning track.
Matikas na performance ni Rafflesia laban sa TNC
Pinangunahan ni Rafflesia ang agresibong atake ng Echo sa Game 1 gamit ang kanyang matikas na Mathilda.

Pinagpatuloy niya ang kanyang magandang performance sa kanyang Barats sa Game 2 kung saan tumangke siya ng mahigit 116K damage mula sa TNC.

Sunod na makakalaban ni Rafflesia at ng Echo ang reigning MPL champion Blacklist International bukas sa ganap na ika-anim ng gabi. Susubukan nilang makabawi sa koponan ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna na tumalo sa kanila, 2-1, noong Week 2.
Masusubaybayan ang mga laban sa MPL Philippines Season 8 sa opisyal na Facebook at YouTube channel nito. Makikita rin ang schedule at mga resulta ng liga sa ONE Esports Philippines.