Hindi napigilan ng babaeng Thai pro player na si Patchara “Ramella” Korpakdee na i-ere ang kaniyang pagkadismaya sa ipinataw na parusa ng MPL-PH kay Duane “Kelra” Pillas.
Mainit ang paksang sexual harrasment na kinasangkutan ng Smart Omega pro na idinawit ang pangalan ng IDNS superstar.
Hindi panatag si Ramella sa desisyon ng MPL-PH

Naglabas ng opisyal na pahayag ang MPL-PH tungkol sa mga nilabag na alituntunin ni Kelra kasama na ang mag karampatang parusa rito.
Ayon sa MPL-PH Operations Committee, papatawan ng 14-araw suspensyon ang naturang player, kasama ang karampatang multa, at maigting na babala sa kaniyang kupunan.
Kinuwestiyon naman ito ni Ramella sa isang Facebook post, na mistulang hindi payapa ang kalooban sa ginawang desisyon ng liga.

Ayon sa Thai pro MLBB player, “Only 14 days ban without any apologies from the team. Is sexually [sic] harassment acceptable policy of his team?”
Mabigat ang huling pahayag ni Ramella bilang panapos sa naturang post. “As a female player, I don’t feel any reassurance. Sorry guys.”
Naglabas na ng opisyal na pahayag ang Smart Omega tungkol sa isyu

Bilang tugon sa nagbabagang isyu na nakapalibot sa kanilang star player, naglabas na ng pahayag ang Smart Omega.
Ayon sa organisasyon, nagsasagawa raw sila ng internal investigation kasama ang MPL para alamin ang puno’t-dulo ng kinasangkutang isyu.
Sinigurado naman ng brand na gumagawa sila ng mga hakbang para ikintal sa isipan ng kanilang mga manlalaro ang respeto at propesyonalismo na nararapat sa isang pro player.
Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuling balita tungkol sa MPL.