Tapos na ang mga araw na sa ikawalong puwesto lang natatapos ang kampanya ng koponan nina Renejay “RENEJAY” Barcarse sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines (MPL-PH).

Selyado na kasi ng Nexplay EVOS ang kanilang puwesto sa playoffs, kung saan selyado na nila ang at least sixth-place finish, bago pa nila walisin ang RSG PH sa muli nilang paghaharap sa ikapito at huling linggo ng MPL-PH Season 8 Regular Season.

RENEJAY, Nexplay EVOS, ‘di pinalagpas ang RSG PH

Credit: MPL Philippines

Dahil sa pagsasanib-puwersa nina “The Hitman” at John Paul “H2wo” Salonga, bigo pa ang RSG PH na maselyo ang kanilang MPL-PH Season 8 playoff spot.

Bumida ang Benedetta ni RENEJAY sa unang mapa ng best-of-three serye. Mahigpit ang naging kapit nina Jonard “Demonkite” Caranto sa kanilang kalamangan pero nagawa itong baliktarin ng NXPE matapos ang 36 minuto, ang pinakamatagal na laban sa buong season.

Bagamat hindi nakabibilib ang mga numerong pinakita ng NXPE EXP Laner, hindi naman matatawaran ang space at oras na kanyang naibigay sa kanyang koponan para maka-ahon sa malalim-lalim na pagkakatambak.

Credit: MPL Philippines / Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports

Sa tulong ng momentum na kanilang nakuha mula sa comeback victory, balagbag na ang inabot ng RSG sa ikalawang mapa. Ang Hayabusa naman ni H2wo ang nagpakitang-gilas dito, matapos magtala ng 10 kills at isang assist kontra isang death.

Dahil sa tatlong puntos na kanilang nakuha sa panalo, sitting-pretty ngayong NXPE sa ikatlong puwesto ng standings. Nakatakda nilang harapin sa unang round ng playoffs ang ika-anim na seed sa Regular Season standings.

RENEJAY, pokus muna sa trophy

H2wo-Renejay
Credit: Nexplay EVOS

Sa post-game interview, ipinabatid ni RENEJAY na sa championship title lang nakatuon ang kanilang atensyon ngayon.

“Ayoko na magyabang, gusto ko muna manalo. Focus talaga ako sa ano eh… gusto namin [ni H2wo] na makuha ‘yung trophy. Goods na kami ni H2 eh, trophy na lang kulang,” banggit nito.

Nakwento rin ng dalawang manlalarong bumida sa serye na nais nilang makatapat ang Blacklist International, ang defending championg ng MPL-PH, sa playoffs ng liga.

“‘Di pa rin namin sila nababawian. Lagi kaming talo sa kanila since last season eh, kaya gusto namin sila makalaban.”


Kontra reigning MSC champions na Smart Omega na lang ang nalalabing laban ng NXPE sa MPL-PH Season 8 Regular Season. Nakatakdang magharap ang dalawang koponan sa Linggo, sa ganap na ikawalo ng gabi.

Subaybayan ang mga kaganapan sa liga sa pamamagitan ng Facebook page ng ONE Esports Philippines. Mapapanood naman ang mga laban sa Facebook at YouTube channel ng MPL Philippines.