Nanaig ang Nexplay EVOS kontra sa TNC Pro Team sa pamamagitan ng dominanteng 2-0 sweep sa huling serye ng Week 6 Day 3 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Nakitaan ng ekplosibong performance si Renejay “RENEJAY” Barcarse na nagpalit ng role bilang gold laner patungo sa pagiging EXP laner ng NXPE hindi lang sa match na ito kundi sa buong Week 6.

Mabangis ang ipinakitang laro ng 18-year-old player sa kanyang Paquito sa Game 1 at lalo na sa kanyang Lapu-Lapu sa Game 2 ng serye kung saan siya ang madalas na pumupronta sa mga team fight.


Zico at Dogie ipinaliwanag ang pagpapalit ng role ni Renejay

Credit: MPL Philippines

Sa MPL post-match interview, nilahad nila head coach John Michael “Zico” Dizon at Setsuna “Dogie” Ignacio ang dahilan kung bakit si Renejay na ang EXP laner ng Nexplay EVOS ngayon.

“Triny po namin si Renejay sa EXP lane kasi ang playstyle po ni Renejay aggressive tapos si Hesa (Jhonwin Vergara) naman po play safe kaya bagay na sila ‘yung side lane namin. Fit na fit po si Renejay sa EXP lane,” sabi ni Zico.

Ipinaliwanag din niya kung bakit pinalit nila si Renejay kay James “Jeymz” Gloria sa naturang lane.

“Yung iba fans minamasama ‘yung pagpalit namin kay Jeymz, pero magkaiba lang po kasi sila ng playstyle ‘tska mas bagay po si Renejay sa EXP talaga.”

Ayon naman kay Dogie, ang manlalarong tubong Bataan mismo ang humiling na magpalit ng role.

“Si Renejay sa’kin nag-open na gusto niyang bumalik sa EXP kasi dati na siyang EXP lane pero natatakot siyang kausapin sila Zico. Umakyat ako ng kwarto sinabi ko agad, ‘Jeymz sixth man ka palit sayo si Renejay.'”

Sinabi rin ni Dogie na naglalaro ngayon si Jeymz para sa NXP 2.0 na nagsisilbing scrim partner ng kanilang first team.


Isang puntos na lang at pasok na ang Nexplay EVOS sa playoffs

Matapos ang 2-0 panalo laban sa TNC, lumundag sa No. 3 spot ng standings ang Nexplay EVOS at lalong lumapit sa pagselyo ng kanilang pwesto sa playoffs.

Credit: MPL Philippines

Kailangan na lamang ng NXPE ng isang puntos o panalo sa isang game para masiguro ang kanilang playoff spot.

Ito ay dahil ang maximum points na lamang na pwedeng makuha ng Echo Philippines ay 19 at ang TNC naman ay 17. Sa sitwasyon na 19 points lang ang NXPE sa pagtatapos ng regular season, aabante sila kontra sa Echo dahil sa bentahe sa head-to-head record kung saan pagbabasehan ang dalawang 2-0 sweep nila laban dito.


Subaybayan ang mga kaganapan sa liga sa pamamagitan ng Facebook page ng ONE Esports Philippines. Panoorin ang mga laban sa Facebook at YouTube channel ng MPL Philippines.