Opisyal nang tatahakin ni Renejay “RENEJAY” Barcase ang offseason papunta sa MPL Philippines Season 11 bilang isang free agent. Ito ay karugtong ng anunsyo ng Nexplay Esports na nagpasalamat sa kontribusyon ng beteranong esports athlete sa team.

Pahayag ng organisasyon sa inilabas na post sa Facebook, “Now, the time has come for you to expand and leave your comfort zone. We wish you the very best and all the success for your future. Thank you very much Renejay!”

Kabilang ang 19-anyos na pro sa tinaguriang “Big 3” katuwang sina John “H2wo” Salonga at Tristan “Yawi” Cabrera na bumandera para sa Nexplay noong MPL PH Season 6 hanggang Season 8. Bagamat kapos sa kanilang mga tangka na mapagtagumpayan ang kumpetisyon, inantig ni Renejay ang puso ng mga miron para itatag ang isa sa pinakamalaking fan base sa liga noon.

Credit: Nexplay Esports

Bukod sa malaking personalidad sa labas ng laro, hindi nagpahuli ang tubong-Balanga, Bataan na ipakita ang kaniyang gilas sa Land of Dawn. Pasabog ang mga plays ng pro partikular na sa paborito niyang Chou na naging dahilan para bansagan din siya bilang “The Hitman”.

Pagkaraan ang anunsyo ng team, agad ding sumulat si Renejay sa organisasyon para magpasalamat. Aniya, “Being a part of your team has been an incredible experience and I am grateful for all the skills and knowledge I have gained during my time with you.”

“I am excited to embrace a fresh new start in the year 2023 and I am confident that I will continue to excel in my future endeavors,” pagtutuloy ng esports pro.


Renejay lalahok sa SEAG MLBB Qualifier sa hanay ng Blacklist

Credit: Blacklist International

Ilang sandali pagkaraang mabalita ang kaniyang pagkalas mula Nexplay, inanunsyo naman ng Blacklist International na babandera para sa kanilang hanay si Renejay sa paparating na Southeast Asian Games MLBB Qualifier 2023.

“Our team for the upcoming SEA Games MLBB qualifiers will include our very own MV3—Edward, Oheb, and Hadji, joined by Renejay “Renejay” Barcarse and Ian Jakob “Rindo” Seguiran,” sulat ng team sa nasabing post.

Wala pang opisyal na kumpirmasyon ang defending champions kung makakasama ba ang EXP laner sa kanilang roster para sa MPL PH Season 11.

Manatiling naka-antabay sa mga balita tungkol sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Matapos mabigo sa M4, OhMyV33NUS may pangako sa fans: ‘This is still not the last of us’