Nabigo ang RSG PH na mapanatili ang kanilang karera sa upper bracket ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup (MSC 2022) matapos makatikim ng talo sa kamay ng RRQ Hoshi.

Nagawang pigilan ng Indonesian team ang all-Filipino finals na plano para sa tournament.

Magandang panimula ang ipinakita ng MPL PH champions sa unang game dahil sa kill count ng Ling ni Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto. Ngunit hindi natinag ang RRQ at sa halip ay nagpakita ng husay sa mga pick offs at team fights na naglipat sa kanila ng momentum upang kunin ang unang game.

Muli sa ikalawang game ay maganda ang ipinakita ng RSG subalit naging susi ng kanilang pagkabigo ang kanialng pag-overextend sa ilang mga skirmish. Isa sa mga tumatak na sandali para sa RRQ ay ang Lord fight bago pumatak ang 17-minute mark kung saan tumumba si Albert Neilsen “Alberttt” Iskandar kapalit ang apat sa mga miyembro ng RSG upang kunin ang ikalawang 2-0.

Pumalag naman ang RSG sa game three kung saan kinuha ni Dylan “Light” Catipon ang Franco na nagbigay ng malaking ambag dahil sa kaliwa’t kanang pick offs dahil sa Iron Hook. Tinapos ng Filipino squad ang laban sa score na 21-5 na nagtagal nang 17:09 para pwersahing magkaroon ng ikaapat na game.

RRQ Hoshi defeats RSG PH MSC 2022
Credit: MSC

Sinubukang ulitin ng RSG ang kanilang nagawa sa Game 3, naging matagumpay si Nathanael “Nathzz” Estrologo na barahan sina Deden Muhammad “Clayyy” Nurhasan at Schevenko David “Skylar” Tendean, subalit unti-unting nasolusyunan ito ng RRQ Hoshi.

Isa sa mga madugong team fights na naganap bandang 15-minute mark ng huling game na nagresulta sa isang 4-for-1 trade na pabor sa RRQ na sinamahan pa ng pagkuha ng Lord.

Sa pagkawala ng kanilang momentum, tuluyan nang nawala sa kamay ng RSG ang series sa score na 3-1.

Dederetso sa grand finals ang RRQ Hoshi habang magpapatuloy naman ang RSG PH upang kalabanin sa lower bracket finals ang mananalo sa pagitan ng Omega at Falcon.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.