Muling pinatunayan ng RSG Slate PH kung bakit sila tinawag na mga “Kingslayers” sa Mobile Legends esports. Ito ay matapos nilang patirin ang M4 World Champions ECHO sa makabag-damdaming five game series para manatili sa upper bracket ng MPL PH Season 11 Playoffs.

Credit: MPL Philippines

Nalagay ang RSG Slate PH sa alanganin matapos malubog sa 1-2 bangin ngunit ngumiti ang kapalaran para sa Raiders sa huling bahagi ng inantabayanang UB semifinal matchup. Nakalawit ng defending MSC champions ang panalo sa magkasunod na games four at five para masulot ang inaasahang showdown ng ECHO kontra Blacklist International.


Irrad, Nathzz pinangunahan ang RSG Slate PH para itumba ang ECHO, 3-2

Maagang nagkakumpiyansa ang RSG Slate PH matapos makuha ang unang mapa sa likod ng Khufra ni Dylan “Light” Catipon ngunit solido ang naging sagot ng Purple Orcas sa dalawang magkasunod na laro para itulak ang Raiders sa bingit ng pagkatalo.

Credit: MPL Philippines

Ito ay sa pamamagitan ng pambihirang performance ng San-San duo nina Alston “Sanji” Pabico at Sanford “Sanford” Vinuya na magkasunod niyakag ang world champions papunta sa 2-1 kalamangan.

Magnipikong Valentina (6/1/1 KDA) ang isinalang ng ECHO midlaner para itabla ang serye sa game two. Samantala, sumandal ang mga paborito sa Joy ni Sanford (4/2/3 KDA) para makuha ang krusyal na game three at ang abante.

Nalugar man sa alanganin, hindi pinayagan ni John “Irrad” Abarquez na dito matapos ang upper bracket kampanya ng kaniyang hanay gawa ng pambihira niyang hawak sa Lancelot (8/2/5 KDA) para gawing best-of-one ang serye.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pagdako ng game five ipinakita ni Nathanael “Nathzz” Estrologo kung bakit MVP siya ng MSC 2022 pagkaraang kontrolin ang Purple Orcas gamit ang paborito niyang Arlott (2/0/8 KDA) sa larong tumagal lamang ng lampas kinse minutos.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa tagumpay, naselyo na ng RSG Slate PH ang top three finish sa Season 11 at naikasa ang duwelo kontra sa bigating Blacklist International sa UB finals.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Irrad inialay ang kanyang laro para sa yumaong si Coach Navi