Pinatikim nila Frince Miguel “SUPER FRINCE” Ramirez at mga bagito ng ONIC PH ng 2-0 sweep ang defending champion na RSG PH sa kanilang unang paghaharap sa MPL Philippines Season 10.

Asintado ang rookie midlaner na si SUPER FRINCE sa kanyang Xavier at Selena na pinangunahan ang dominanteng panalo ng PH Yellow Hedgehogs kontra RSG PH na hindi nakapagtala ng ni isang kill man lang sa Game 2.

Ipinako ng ONIC PH ang kanilang ikalawang sunod na panalo para umangat sa 3-1 series win-loss record at 8 puntos. Sa kabilang banda, bumagsak ang RSG PH sa 1-2 kartada at nanatiling dala ang 3 puntos.


SUPER FRINCE bida sa 2-0 panalo ng ONIC PH kontra RSG PH

Credit: MPL Philippines

Inutakan ng ONIC PH ang RSG PH sa late game gamit ang kanilang mas malakas na overall team fight at mahapding poking abilities mula sa Xavier ni SUPER FRINCE at Beatrix ni Kenneth “Nets” Barro.

Habang kinokontrol ni Stephen Jasper “Sensui” Castillo (Akai) ang Lord dance sa 14 minuto, sumugod si veteran Kenneth Jiane “Kenji” Villa (Gloo) at sinubukang mag-contest. Ngunit kahit naka-Split Split ultimate ay natunaw siya ng Infinite Extension mula kay SUPER FRINCE at Wesker ni Nets sa isang iglap kaya nasiguro ng ONIC ang Enhanced Lord na ginamit nila upang tuldukan ang 11-6 panalo sa loob ng 16 minuto.

Pinangalanang MVP si SUPER FRINCE matapos niyang kumana ng 3/1/6 KDA (82% kill participation) at nagpakawala ng halos 54K damage at on-point na mga Dawning Light na lumusaw sa Raiders.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Bida ulit ang 18-year-old midlaner sa Game 2 kung saan pinaandar ng kanyang asintadong pagbitaw sa mga Abyssal Arrow ang maagang pag-alagwa ng ONIC PH.

Katulong ang Ruby ni captain-roamer Ralph “Rapidoot” Adrales, hindi pinapwesto ni SUPER FRINCE ang RSG PH nang maayos sa pagkuha ng objectives kaya naipako nila ang madaling 8-0 panalo sa loob ng 11 minuto.

Tumikada si SUPER FRINCE ng 3/0/5 KDA at 100% kill participation pero ang kanyang mga saktong pana at vision na naibibigay ang talagang nagdala sa ONIC.

Tatangkain ng ONIC PH na ipagpatuloy ang kanilang mainit na momentum laban sa league-leader na Blacklist International sa unang serye ng Week 3. Susubukan naman ng RSG PH na makabawi kontra Bren Esports sa Week 3 Day 2.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.