Pinatunayan nanaman ng duo nina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario ang tikas ng Blacklist International matapos nilang talunin ang Bren Esports sa kanilang paghaharap sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 7 playoffs.

Matatandaang tinalo ng defending champions ang Group A top seed nang maglaban ang dalawa noong regular season. Pero sa muling pagkukrus ng landas ng dalawang koponan sa unang round upper bracket, sinigurado ng V33Wise duo na hindi na sila muli magpapasindak.

Ang V33Wise connection ng Blacklist International

Binuksan ng Blacklist International ang best-of-five na serye sa pag selyo ng dalawang sunod na panalo para itulak ang Bren Esports sa bingit ng match point, ngunit hindi agad sumuko ang reigning M2 World Champions matapos bumawi sa ikatlo at ika-apat na mapa ng serye.

Nilabas ng Blacklist International ang Popol and Kupa ni OhMyV33nus at Yi Sun-Shin ni Wise noong game five para kontrahin ang momentum ng Bren Esports. Umarangkada rin ang Harith ni Kiel “OHEB” Soriano para makuha ng kanilang koponan ang maagang kalamangan.

Bandang 16-minuto, na-wipe out ang mga miyembro Bren Esports matapos nilang tangkaing i-contest ang Lord attempt ng Blacklist International. Pagkatapos nito, wala nang sinayang pang oras ang mga Agents para tuluyang ipaghiganti ang kanilang talo noong regular season.

As usual, nagpabilib muli ang V33Wise duo. Nagtala ang Yi Sun-Shin ni Wise ng 4/1/7 kill-death-assist score, samantalang 7/1/5 naman ang kill-death-assist score ng Popol and Kupa ni Queen V33.

Hindi rin nagpahuli ang ibang Blacklist Agents. Hindi namatay kahit isang beses ang Harith ng rookie na si OHEB at hinirang naman na MVP si Edward “Edward” Dapadap dahil sa kanyang 2/1/8 Paquito performance.

Isang panalo na lang ang namamagitan sa Blacklist International at ang pagkakataong makalahok sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021. Sunod nilang lalabanan ang Aura PH sa semifinals na gaganapin sa Sabado, May 29.