Pinagbaga na naman ni Allen “Greed” Baloy ang Land of Dawn matapos niyang iangat ang Aura PH sa dikdikang serye kontra Omega Esports sa unang upper bracket round ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 7 playoffs.

Gamit ang Valir, binigyan ni Greed ang kanyang koponan ng tsansang makabawi mula sa pagkakadehado salamat sa kanyang fast hands Lord steal.

Sa bandang 20-minuto ng laro, nakitang abala ang Esmeralda ni Adrian “Toshi” Bacallo at Granger ni Salic “Hadjizy” Imam sa loob ng Lord pit, habang nagbabantay ang Kagura ni Jankurt “KurtTzy” Matira sa mga bush.

Tanging ang Grock pa lang Jaypee “Jaypee” Dela Cruz at Phoveus ni Ashley “Killuash” Cruz ang pumapalag para hindi tuluyang mapunta sa Omega Esports ang Lord noong mga panahong iyon. 

Pero mula sa kawalan, nakapasok sa eksena ang Valir ni Greed gamit ang Flicker na sinundan ng Vengeance Flame para mapabilis ang kanyang movement speed at makapwesto nang maayos.

Sa isang iglap, nakapagbato ang mid laner ng Burst Fireball na pinalakas ng Vengeance Flame para tuluyang maagaw ang Lord mula sa Omega Esports.

Gamit ang Valir, Lord steal ni Valir susi sa pagbwelo ng Aura PH

Hindi man agad naselyo ng Lord steal ni Greed ang panalo, ginawang hakbangan naman ito ng Aura PH para makabawi matapos maubos ang kanilang mga base turrets.

Kumuha ulit ang Group A top seed ng Lord bandang 35-minuto ng laro na siyang pumako sa kanilang panalo.

Kahit pa 1/2/10 lamang ang naging kill-death-assist score ni Greed, siya pa rin ang kinilalang MVP ng laro dahil sa nasabing game-changing Lord play.

Screenshot ni Julian Elona/ONE Esports

Dahil sa panalo, umabante ang Aura PH sa semifinals ng playoffs kung saan kinaharap nila ang Group B top seed Blacklist International.