Bilang bukod-tanging pro na matitira sa lineup ng dating Nexplay EVOS, nasa mga balikat ngayon ni Jeniel “YellyHaze” Bata-anon ang responsibilidad na gabayan ang rookies na babandera para sa White Tigers ngayong MPL Philippines Season 11.

Ang beterano, tiwala na magagawa ng koponan niyang bubuuin ng Minana Esports players na mapahanga ang mga miron sa pro liga.

Credit: Minana Esports

‘Point of view’ ang pinakamalaking maaambag ni YellyHaze sa NXPE rookies ngayong S11

Nakapanayam ng ONE Esports Philippines si YellyHaze sa naganap na Media Day ng MPL Philippines kung saan inilahad niya ang kaniyang mga nais gawin at iambag sa bago niyang mga kakampi sa hanay ng Nexplay.

“Nung amateur pa po sila parang ano e, batak na batak na po sila doon. Na-master na po nila yung mga fundamentals ng laro so parang maga-guide ko na lang po sa kanila is yung point of view ko as a player na naka-experience na ng MPL,” tugon ng 10-season pro.

Mababalikan na ibang-klaseng ingay ang pinakawalan ng Minana Esports sa amateur eksena kung saan kaliwa’t-kanang kampeonato ang nakalawit ng grupo.

Ilan sa mga pagkakataong nagpasiklab ang koponan ay nang ibaon nila ang Gamelab sa 4-1 kartada sa Juicy Legends Q3 MLBB Tournament noong nakaraang Setyembre, at ang 4-0 demolisyon nila kontra Euphoria sa Philippine National Esports League sa parehong buwan.

Ngayong sasabak na ang team sa pros, umaasa si YellyHaze na mas mapapaigting niya nag dekalibreng play ng hanay sa tulong ng kaniyang karanasan. “Doon sa mga errors, yung mga tamang decisions, kasi magkakaiba kami ng point of view sa laro so maganda rin na nasasabi ko [sa kanila yung point of view ko].”

Credit: MPL Philippines

Dagdag pa ng former MPL PH champion, “Yung work ethic ko as a player, dapat kung ano yung gigil nila before sila makapasok ng MPL syempre dapat mas angat ngayon kasi nandito na e.”

Bubuksan ni YellyHaze at ng kaniyang Nexplay EVOS ang kanilang kampanya ngayong Season 11 sa February 17 kontra TNC Pro Team ML.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuli tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Sa gitna ng pagliban ng ilang miyembro ng Blacklist, BON CHAN ipinunto ang kahalagahan ng ‘breaks’ sa esports