Dumagdag pa ang Nexplay EVOS sa nakakapanlumong sitwasyon ng Bren Esports ngayon sa Mobile Legends: Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Pinabagsak nila MPL veteran Jeniel “YellyHaze” Bata-anon at mga bagitong kasama niya sa NXPE ang Bren patungo sa kanilang ikaapat na sunod na 0-2 pagkatalo sa loob ng unang dalawang linggo sa liga.

Bilang dating miyembro ng respetadong koponan, nagbigay ng simple ngunit epektibong payo si YellyHaze para makabangon ang M2 at MPL champion team sa gumugulong na season.


Ang payo ni YellyHaze para sa Bren Esports

YellyHaze at Ureshiii sa post-match interview
Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sinabi ni YellyHaze sa post-match interview na masaya siya na nakaharap niya muli ang kanyang dating koponan maging ang mga nakasama niya sa SEA Games gold-winning team SIBOL na sina Angelo “Pheww” Arcangel at Allan “Lusty” Castromayor.

Ramdam ng 25-year-old pride ng Manila ang matinding struggle ng Bren ngayong season kaya naman nagbigay siya ng suhestiyon kung paano nila maibabalik ang kanilang winning culture.

“Sa tingin ko po, ibalik lang po siguro nila ‘yung confidence nila kasi malalakas naman po sila eh,” ani YellyHaze, na nakakuha ng kampeonato sa unang season ng MPL kasama ang Bren (kilala noon bilang Aether Main) at patuloy na naglaro para sa organisasyon sa sumunod na tatlong season.

Ayon pa kay YellyHaze, nakikita niya na sa comms (in-game communication) nagkakaproblema ang Bren, parehong suliranin na pinagtuunan nila ng pansin sa Nexplay EVOS.

At naniniwala ang beteranong manlalaro na malakas pa rin ang koponan ni coach Francis “Duckey” Glindro na binubuo rin ng ilang rookies sa kasalukuyan.

“Laro lang po tska ‘wag sila mawawalan ng confidence kasi Bren lang po talaga malakas.”


Nexplay EVOS umangat sa third spot matapos ang Week 2

Credit: Nexplay EVOS

Nailista ng Nexplay EVOS ang kanilang ikatlong sunod na panalo kaya naman umakyat sila No. 3 spot hawak ang eight points sa MPL PH Season 9 standings sa pagtatapos ng Week 2.

Nanatili pa rin sa ilalim ng eigh-team standings ang Bren Esports na hanggang ngayon ay wala pa ring puntos katulad ng Omega Esports.

Credit: MPL Philippines

Haharapin ng NXPE ang Omega habang susubukan naman ng Bren na makuha ang breakthrough victory nila laban sa Blacklist International sa Week 3 kung saan magsisimula na ang offline setup ng liga.

Para sa mga balita tungkol sa MPL Philippines at MLBB, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.