Isa ang tambalang Zeys at Age sa coaching staff ng EVOS Legends sa mga inaantabayanan ng mga miron sa pagbubukas ng MPL Indonesia Season 10. Ito ay karugtong ng pagsanib ni Age sa White Tigers kamakailan para gumanap bilang analyst ng koponan.

Malaking balita ito dahil makukuha ng EVOS ang serbisyo ng utak sa likod ng mapanganib na Bigetron Alpha team. Sa pagkakataong ito, hindi head coaching position ang kaniyang pupunan, kundi analyst, na matatandaang orihinal at una niyang poste noon sa dati niyang team.

Credit: EVOS TV

Bagamat hindi umalagwa sa playoffs ang Bigetron sa nakalipas na dalawang seasons ay hindi maitatanggi na malaki ang ginampanan ni Age sa development ng mga players dito. At inaasahan na malaki ang magiging impluwensiya niya sa indetity ng S10 bersyon ng White Tigers.


Mga rason kung bakit dapat katakutan ng teams ang tambalang Zeys at Age

Angkop lamang na maging mapagmatyag ang iba pang teams sa liga sa mga iluluto nina Zeys at Age. Partikular ding dapat antabayanan ang magiging dinamiko ng dalawa sa tangka nilang ihulma ang White Tigers sa dati nitong bangis at tindig.

Mananatiling ulo ng koponan si Zeys, at bagamat strategic and development specialist ang trabaho ni Age ay ipinapalagay na malaki ang magiging epekto ng kaniyang presensiya sa katauhan ng EVOS MLBB squad.

Heto ang tatlong rason kung bakit:


Henyo si Age sa Cheese Picks

Credit: Moonton

Matatandaan na ang Bigetron Alpha ang isa sa mga teams na mahilig gumulat sa MPL fans sa kanilang mga cheese picks. Ito ay dahil sa pagkiling ni Age sa mga unusual picks na intensyong bulabugin ang kalabang team.

Hindi malayo na pati ang EVOS Legends ay magsasalang na din ng ganitong draft. Ito ay taliwas sa drafting style ng White Tigers na ani ng iba ay “monotonous” daw dahil bukod sa comfort heroes ito ay paulit-ulit itong nakikita sa composition ng team. Bakit nga naman babaguhin kung epektibo naman?

Ngayong magsasama na sina Zeys at Age sa pagmamando ng team, malaki ang tiyansang mababasag na ang ganitong uri ng drafting.


Pakikipag-ugnayan ni Age sa kaniyang mga players

Credit: EVOS TV

Kilala si Age bilang isa sa mga coaches sa MPL na may malapit na relasyon sa kaniyang players. Sa kaniyang karera kasama ang BTR, maalalang parang magkaibigan lamang ang dinamiko niya at ng kaniyang mga manlalaro. Bagamat ganito ay hindi nawawala ang respeto ng mga batang pro sa kanilang head coach.

Ang presensiya ni Age sa EVOS Legends ay maaaring makapagbago ng relasyon ng bawa’t-isa sa coaching staff. Ngayong mas marami ang batang players sa team, inaasahan na mas magiging mapag-aruga ang dinamiko nina Zeys at Age sa mga ito.


Hindi matatawaran ang passion ni Age sa laro

Credit: MPL ID

Siguradong asim na asim na rin si Age na matawag na MPL champion, ang isang titulong hindi niya napagtagumpayan kasama ang Bigetron Alpha. Ngayong papanig siya sa talentadong team na maaari niyang ihulma, katuwang pa ng dekoradong head coach sa kaniyang tabi, mas malaki ang tiyansa ni Age na magawa ito.

Magagawa kaya ng EVOS Legends na mapagtagumpayan ang season sa likod nina Zeys at Age? Magsisimula ang kampanya ng White Tigers sa August 13, kontra sa dating team ni Age na Bigetron Alpha.

Subaybayan ang mga balita tungkol sa MPL ID sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: 8 players ang tinanggal sa EVOS ICON! Zeys, ipinaliwanag kung bakit