Lumabas ang Zilong sa MPL PH Season 8 matapos itong piliin ng Bren Esports kontra Blacklist International para sa huling laro ng parehong koponan sa Regular Season.

Kasabay ng paglaro sa unang beses ngayong season nina Mico “Coco” Sampang, Raven “L3bron” Alonzo, Dwine “Rimuru” Enriquez, at Efphraim “EJHAY” Sambrano, lumabas din sa unang beses ngayong season ang sikat na Fighter na hero. Kinumpleto ni Mujahid “Malik” Malik ang roster ng koponan.

L3bron, bumida bilang Zilong sa MPL PH Season 8

Credit: Bren Esports

Bago ngayong araw, noong unang season pa ng MPL PH huling lumabas ang Zilong. Ginamit ito ni Erwin “Yakou” Magno ng Digital Devils Pro Gaming kontra White Rascals.

Tinapos ng Bren Esports ang mahigit tatlong taong pagkawala ng naturang hero sa liga matapos nila itong piliin para kay L3bron noong ikalawang mapa ng serye kontra defending MPL PH champions.

Pero gaya ng inaasahan, hindi naging matagumpay ang Zilong sa MPL PH Season 8. Nakapagtala si L3bron ng tatlong kills at tatlong assists kontra limang deaths matapos ang 16 minuto ng bakbakan.

Bren Esports gumamit ng Zilong sa MPL PH Season 8
Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports

Bukod sa Zilong, lumabas din sa unang pagkakataon ngayong season ang Johnson, na ginamit ni Ejhay, at Odette na ginamit naman ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna.

Sa mga nabanggit na bagong hero, ang Odette lang ang nagtagumpay. Winalis kasi ng Blacklist International ang Bren Esports para tuldukan ang kanilang kampanya sa Regular Season bilang top seed ng standings.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Maouie Reyes / ONE Esports

Samantala, bigo namang maka-qualify sa playoffs ang Bren Esports. Ito ang unang beses na nalaglag sa Regular Season ang koponan simula noong pumasok ang organisasyon sa liga noong 2018.


Subaybayan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 8 sa pamamagitan ng pag-like sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.