Tapos na ang kontrata ng batikang Filipino StarCraft II player na si Caviar “EnDerr” Acampado bilang part-time pro player ng Liyab Esports.
Ayon sa isang social media post na kanyang inilathala, natapos ang nasabing kasunduan noong Agosto matapos mag desisyon ang organisasyon na mag-focus sa ibang game titles.
Dahil na rin sa kakulangan ng tournament support para sa real-time strategy game at aniya’y realidad ng pandemya dulot ng COVID-19, naintindihan niya ang naging desisyon ng kanyang dating koponan.

“… I respect their decision and I wish nothing but success for Liyab. I’m really thankful for the things I achieved while on the team. The team was very supportive of my pro player career as a working student.,” batid ni EnDerr.
Ipinabatid ng tanyag na manlalaro ang kanyang pasasalamat sa management team ng Liyab, sa kanyang co-players, sa kanyang Mineski family, at fans na patuloy na sumusuporta sa kanya.
Ang future para kay EnDerr
Sa parehong social media post, inilahad ni EnDerr ang mga maaaring maging plano para sa hinaharap. Kaka-graduate lang daw niya noong nakaraang Mayo bilang game developer kaya’t bukas din siya na tahakin ang bagong career path.
Ano man ang mangyari, aniya, ay patuloy siyang maghahanap ng mga oportunidad para sa mga susunod na hakbang sa kanyang karera.

Maraming nauwing kampeonato si EnDerr sa ilalim ng Liyab Esports. Naging kinatawan ng Pilipinas ang nasabing manlalaro sa World Electronic Sports Games 2018 Global Finals matapos niyang pangibabawan ang Southeast Asia qualifier ng nasabing turneo.
Noong nakaraang taon, nag-champion din siya sa Oceania/Rest of Asia qualifier ng DreamHack Masters 2020 Winter upang maka-abante sa Season Finals. Hinirang din siyang kampeon sa dalawang magkasunod na seasons ng PSISTORM StarCraft League.

Sa kabila ng lahat ng ito, isa sa pinakamakasaysayan niyang tagumpay ay ang pagiging gold medalist ng Southeast Asian Games 2019. Siya ang nagtagumpay sa StarCraft II category ng nasabing biennial sporting meet matapos talunin ang pambato ng Singapore na si Thomas “Blysk” Kopankiewicz sa grand final.