Opisyal na inanunsyo ng Capcom Pro Tour (CPT) ang pagkaka-ban ng pro Street Fighter player na si Robson “Robinho” Oliveira mula sa lahat nang events na pagmamay-ari o pinamamahalaan ng Capcom bilang tugon sa kanyang inilahad na kagimbal-gimbal na kwento tungkol sa kanyang paghalay sa kanyang dating kasintahan.

Street Fighter Capcom Pro Tour Robinho banned
Credit: Capcom

Sa isa sa kanyang mga streams, detalyadong ikinwento ng Street Fighter player kung paano sya gumanti sa dating nobya dahil sa pagiging malandi nito. Ayon sa translation sa Twitter post ni CruzaderOnline, tinawag niyang manloloko at malandi ang dating kasintahan. Sa clip, ibinahagi nya kung paano sya humingi ng tulong sa walong iba pang kalalakihan upang halinhinang gahasain ang lasing na nobya.

Babala: Ang sumusunod na clip ay may maselang paksa.

Matapos lumabas ng clip, daliang inalis ng Capcom ang lahat nang posts at tweet na may patungkol sa standings ni Robinho sa CPT, kasabay ng pagkakaalis ng kanyang pangalan sa hanay ng mga qualified players. Na-ban na rin sya sa karamihan nang tournaments sa Brazil ayon sa nag-post at nag-translate ng kanyang kwento. Binitawan na rin sya ng kanyang sponsor organization na PATOZ Team.

https://twitter.com/patozteam/status/1479164073635889154?s=20

Ayon sa panayam ng Globo Esports, itinatanggi ni Robinho na totoong nangyari ang kuwentong ibinahagi nya sa kanyang stream at aniya ay biro lamang ito. Bago naganap ang insidente ay nag-qualify si Robinho para sa Capcom Cup VIII na nakatakdang maganap sa February.