Ang fighting games ay unang sumikat sa mga video arcades. Dito nag-umpisang makilala ang mga sikat fighting game titles tulad ng Street Fighter, Mortal Kombat, Marvel, at marami pang iba. At isa sa mga sumikat na fighting games na ito ay ang Tekken.
Sa paglipas ng maraming taon, unti-unting lumipat ang Tekken mula sa arcades papunta sa mundo ng esports, lalo na noong lumabas ang pinakahuling installment ng franchise na Tekken 7. Simula sa mga maliliit na community tournaments hanggang sa mga naglalakihang events na pumupuno ng mga event halls at stadiums na punong-puno ng hype.
Marami ang naging fans ng mga Tekken 7 events, hindi lang dahil sa game kundi dahil na rin sa mga pro players, personalities, at mga kwento na nakapalibot dito. At ang mga dahilan na ito ang nagpapadagdag ng hype sa mga laban sa Tekken tournaments.
Sa dami nang mga naganap na Tekken tournaments, sobrang dami na rin ng mga nabuong hype at iconic moments. Ngunit meron pa ring iilan na hinding-hindi natin malilimutan.
Narito ang tatlo sa mga pinaka-iconic na moments na tumatak sa kasaysayan ng Tekken community.
Ang Panda champion na si Rangchu (TWT 2018)
Isa sa mga hindi malilimutang kampeonato ang nakuha ni Jeong “Rangchu” Hyeon-ho nang manalo sya sa Tekken World Tour 2018 Finals. Hindi lamang dahil sa tinalo nya ang noo’y defending champion na si Byeong Mun “Qudans” Son, kung hindi dahil din nagawa nyang manalo gamit ang isa sa mga itinuturing na low tier characters sa Tekken 7, si Panda.
Maagang nahulog sa losers bracket si Rangchu sa huling bahagi ng tournament. Sa Winners Semifinals, tinalo sya ni Knee na kilala bilang isa sa mga pinakamagagaling na Tekken players sa buong mundo.
Sa losers bracket, kinailangan ni Rangchu na talunin ang ilan sa mga pinakamahuhusay na Tekken players ng Korea na sila Jeondding at Chanel. At bago makapasok sa Grand Finals, kinailangan nyang talunin ang player na naglaglag sa kanya sa ibabang parte ng brackets na si Knee. Matamis na ganti ang nakuha ni Rangchu matapos nyang talunin at i-eliminate sa tournament si Knee sa score na 3-1.
Mula sa losers bracket, ni-reset ni Rangchu ang grand finals laban sa Devil Jin ni Qudans sa score na 3-1. Matapos ang bracket reset, muli nyang ipinamalas kay Qudans ang bagsik ng kanyang Panda at tinapos ang tournament sa score na 3-1.

Maging ang Bandai Namco General Manager na si Katsuhiro Harada ay hindi makapaniwala sa ipinamalas na galling ni Rangchu sa Paggamit ng Panda. Sa awarding ceremony, hindi napigilan ni Harada na mapakomento habang natatawa, “Panda. Really?”
Knee-JDCR handshake (Rev Major 2017)

Ang Rev Major ang pinakamalaking fighting game community (FGC) event sa Pilipinas. Bahagi ito ng Tekken World Tour kung kaya’t dinadayo ito ng mga pinakamagagaling na Tekken players mula sa iba’t ibang sulok ng mundo.
Pero ang isa sa mga hindi malilimutang pangyayari sa Rev Major ay ang pagtatapos ng alitan ng dalawa sa pinakamagagaling na Tekken players sa mundo, sina Bae “Knee” Jae-Min at Kim “JDCR” Hyunjin.
Ang hindi pagkakasundo ng dalawang players ay nagmula pa noong panahon ng Tekken 6. Ito ang dahilan kung bakit hindi sila nagkakamay tuwing magkikita o magkakalaban sa mga tournaments – maliban sa grand finals ng Rev Major 2017.
Ang grand finals match sa pagitan nina Knee at JDCR ay ay itinuturing na isa sa pinakamagagandang laban ng taon. Pero matapos ang makasaysayang laban sa pagitan ng dalawang alamat, nangyari ang hindi inaasahan. Inalok ni Knee ang kanyang kamay sa kanyang katunggali, malugod naman itong tinanggap ni JDCR. Ito ang simbolo ng pagtatapos ng maraming taon ng hidwaan sa pagitan ng dalawa sa pinakamahuhusay na Tekken players sa buong mundo.
Nanalo sa tournament si JDCR, pero mas nanalo ang mga manonood sa mga nasaksihan nila.
Ang unified Evo Champion na si Arslan Ash

Tila isang bagyo na ‘di malaman kung saan nagmula ang pangalan ni Arslan “Arslan Ash” Siddique. Nagmula sa Pakistan, itinuturing si Arslan Ash bilang pinakamagaling na Tekken player sa kasalukuyan.
Unang pumutok ang pangalan ni Arslan Ash nang ma-sweep nya si Knee sa grand finals ng OUG Tournament noong 2018. Marami ang nagulat sa pangyayaring ito dahil hindi pa masyadong sikat ang Pakistan sa international Tekken scene nung mga panahong ‘yon.
Sumunod na umugong ang pangalan ni Arslan Ash nang talunin nya si Alexandre “AK” Laverez para maging kampeon ng Evo Japan 2019. Mahirap ang pinagdaanan ni Arslan Ash para lang makarating sa tournament. Kinailangan nyang kumuha ng limang flights sa loob ng mahigit dalawang araw ng paglalakbay. Bukod pa dito ang kinaharap nyang visa issues.
Tuluyang sinemento ni Arslan Ash ang kanyang alamat nang manalo sya sa Evo 2019 sa Las Vegas, Nevada. Dito nya pinagtibay ang kanyang karapatang tanghaling isa sa mga diyos ng Tekken.
Si Arslan Ash ang kauna-unahang unified Evo champion. Siya rin ang nagdala ng Pakistan sa mapa ng international Tekken scene.