Sa pagtatapos ng Intercontinental Fight Club (ICFC) Asia Tekken Season 3, maghaharap-harap ang walo sa mga pinakamahuhusay na Tekken 7 players sa buong Asia at kabilang dito ang dalawang Filipino na sina Alexandre “AK” Laverez ng PlayBook Esports at Juliano “Jules” Lozano ng Omega Esports.
Ito ang ikalawang beses na maglalaro si AK sa Season Finals ng ICFC Asia. Ang una ay noong Season 2 kung saan nagtapos sya sa ikalimang pwesto matapos matalo sa Korean player na si Chanel at Japanese player na si Kuzin.

Nagtapos si AK sa 4th place ng leaderboard ng regular season na may 252 points, kung kaya’t magsisimula sya sa upper bracket ng ICFC Asia Finals.

Si Jules naman ang itinuturing na baguhan sa ICFC Asia na nagsimula lamang sumali noong Week 5 ng kasalukuyang season. Sa siyam na linggo ng regular season, apat lamang ang nasalihan ni Jules. Ngunit sa kabila nito, nakakuha pa rin sya ng 102 points na sapat upang makapasok ang pambato ng Omega sa Top 8 ng leaderboard.
Magsisimula si Jules sa lower bracket ng Season 3 Finals.

Ang ICFC Asia Season 3 Finals ay gaganapin sa September 1, 7 p.m. GMT+8. Mapapnood ito sa official Twitch channel ni Majin Obama.