Ako si Ron Muyot, isa sa mga kilalang Tekken advocates sa bansa. Kilala bilang “Hot-E” sa Tekken community, isa akong caster, streamer, vlogger, at beteranong Tekken player. Kasama rin ako sa Team Sibol at kumatawang coach sa PH Tekken team na lumaban sa 2019 Southeast Asian Games.

Simulan natin sa simula
Nadiskubre ko ang larong Tekken dahil sa aking pinsan. Natuwa ako dahil sa 3D graphics na iba sa kinahiligan kong Street Fighter.
Mula sa PlayStation console, umabot ako sa paglalaro ng Tekken sa arcade. Dito mas lalong nahasa ang aking interes sa laro at pagiging competitive. Marami rin akong nasalihang team battles, exhibition matches, at tournaments.
Bilang caster
Sa Pinoy Gaming Festival 2013 ako unang nag-cast ng larong Tekken Tag 2 nang maanyayahan ako ng isang kaibigan mula sa Pinoy Versus. Hindi ito naging madali nung una. Madalas ay nabubulol ako at nabablanko ang isip. Pero nagustuhan ko yung pakiramdam na nagsasalita sa mic at kinukwento yung mga nangyayari sa laro. Kaya pinag-aralan ko itong mabuti, hanggang sa natuto ako ng paunti-unti dahil sa panonood ng mga international tournaments at ibang sports commentaries. Hindi ko tinigilan ang pag-aaral. Mula noon, nagbunga rin ang aking ginugol na oras at naimbitahan ako mag-cast para sa iba’t ibang Tekken tournaments.
Una akong nakapag-cast sa isang international tournament noong 2016 sa Southeast Asia Major sa Singapore, kung saan naka-partner ko sa commentary table ang sikat na Tekken personality na si Mark “MarkMan” Julio. Nag-cast din ako sa ilang mga malalaking tournaments gaya ng Tekken World Tour Online at Rev Major.
Sa Pilipinas, isa ako sa mga naging talents ng TV5 at naging caster ng The Nationals.

Bilang vlogger at streamer
Dahil sa pandemya at kakulangan ng live events noong 2020, napag-desisyunan ko na gumawa ng isang Youtube channel at simulan ang series na tinawag kong ‘Tekkasi,’ na mula sa pinagsamang Tekken at Hekasi na isang subject sa eskwela, ang kadalasang topic sa Tekkasi ay ang mga nangyari at nangyayari sa Tekken scene. Kadalasan din ay sinasamahan ko ng humor ang bawat episode.
Sa pagpasok ng 2021, nagsimulang akong mag-stream sa aking facebook page. Noong una, ang dahilan ko lang ay dahil gusto kong may kausap habang naglalaro. Kinalaunan, para na ring naging extension ng Tekkasi ang aking mga stream. Bukod sa paglalaro ng Tekken online, nakikipagkwentuhan din ako sa mga viewers at nakikipagpalitan ng mga kuro-kuro tungkol sa mga kasalukuyang issue o kung ano mang topic ang maisipan ng mga viewers.

Bilang Tekkenista
Bilang isang parte ng community ng humigi’t kumulang dalawang dekada, hindi maikakaila ang aking pagmamahal sa Tekken. Sa kabila ng pagpasok ng Tekken sa professional esports scene, malapit pa rin ang loob ko sa grassroots at amateur scene ng community.
Malaki ang bilib ko sa potensyal ng mga baguhang talents, pero mataas pa rin ang respeto ko sa mga pro at veterans na kung ‘di dahil sa kanila ay hindi magiging kasing husay at sikat ng Tekken sa bansa.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang aking suporta sa mga local Tekken tournaments mapa-online man o offline.
Nakakatuwang isipin na ang larong kinahiligan ko mula noong aking kabataan ay naging isang malaking parte ng aking buhay at naging bahagi na rin ng kultura ng Pinoy gaming.
Caster. Streamer. Tekken enthusiast at all-around community figure. At ngayon, associate editor para sa ONE Esports. Yan ako. Handa ka na ba para sa Round 1? Fight!