Idineklara ng Tekken shoutcaster at analyst na si Aris Bakhtanians na si Akuma ang ‘greatest guest character’ hindi lang sa Tekken 7, kung hindi sa kabuuan ng fighting game history.
Na-ungkat ang usapan nang talakayin ng sikat na personalidad ang kanyang shoutcasting experiences tuwing may mga character reveal.
Para sa kanya, saktuhan lang ang pagkakadagdag sa Tekken franchise nina Noctis mula sa Final Fantasy XV at Negan mula sa The Walking Dead, pero iba ang tama sa fighting game community nang i-reveal si Akuma mula sa Street Fighter bilang guest character sa Tekken 7.
Hindi lang sa Tekken tampok ang mga guest characters. Kamakailan ay inanunsyo rin ng Nintendo na si Kazuya ang pinakabagong character nito sa Super Smash Bros. Ultimate. Playable character din sa Soulcalibur IV si Darth Vader ng Star Wars.
‘Historic FGC moment’ ang pagsali ni Akuma sa Tekken 7

“Man, they really did a good job,” sabi ni Aris. “Everything about him and the way they implemented him was sweet.”
Inanunsyo bilang guest character si Akuma, na may sariling role sa main story ng Tekken 7, noong 2015 Tekken World Tour Finals.
May clip pa ang Tekken director na si Katsuhiro Harada kung saan may hawak siyang teaser posters na nagpapahiwatig sa pagdating ng Street Fighter character sa unang version ng Tekken.
Ayon sa reveal trailer, misyon ni Akuma na patayin sina Heihachi at Kazuya upang mabayaran ang kanyang utang na loob kay Kazumi.
Kahit may ilang characters na mula sa ibang fighting game na nadagdag sa pool ng Tekken 7, gaya ni Geese Howard mula sa SNK, “uncommon character” lang daw ito para kay Aris at diehard FGC enthusiasts lang ang makaka-appreciate.
Mas madali raw kasi nag-standout si Akuma bilang kontrabida sa Street Fighter at big boss sa Tekken. Sinabi rin ng streamer na naintindihan ng mga developers ang “bigger picture” ng mga franchise sa konteskto ng FGC legacy.
Hindi ‘Tekken character’ si Akuma ayon kay Aris
Sa kabila ng nauna niyang mga papuri, naniniwala rin si Aris na hindi akma sa Tekken ang gameplay ni Akuma.
Perpekto kasi ang pakaka-import ng mga move list ni Akuma mula sa Street Fighter. Kumpleto ito sa long-ranged na Gohaduken, Focus Attack, focus cancel, meter, pati na rin ang Rage mechanic ng Tekken 7. Kaya niya rin tapusin ang mga round ‘pag may sapat na resources gamit ang mga extended combo.
“Don’t get me wrong, he’s cheap and also does not belong in Tekken,” dagdag ni Aris.
Matatandaang ang surprise Akuma pick ni Yuta “Chikurin” Take ang nangibabaw noong 2019 Tekken World Tour Finals.
Samantala, tampok din ang Akuma mirror match noong finals ng SEA Games 2019 para sa Tekken 7 discipline kung saan nanalo ang pambato ng Thailand na si Nopparut “Book” Hempamorn kontra Alexandre “AK” Laverez ng Pilipinas.
Mapapanood ang buong stream ni Aris sa video na ito.