Marami ang natuwa nang muling masaksihan ang Heihachi ni Jim “Don Argus” Casimiro ng Happy Feet Emperors sa unang araw ng Group Stage The Nationals Pro League Season 3 Tekken 7 Conference.

Naging kilala si Don Argus sa local arcade scene dahil sa kanyang husay gumamit ng Heihachi Mishima. Pero sa pagpasok nya sa pro scene, mas nag-focus sya sa paggamit ng Eliza. Subalit nang magharap sila ng The Nationals number one draftee na si Daniel “Machinehead” Eking ng Smart Omega, muling inilabas ni Don Argus ang kanyang Heihachi laban sa Geese ni Machinehead.

Mainit ang simula ng Game 1, pero nakuha ni Don Argus ang Round 1 sa isang Heaven’s Wrath reversal para pigilan ang opensa ni Machinehead.

Nakuha ni Machinehead ang sumunod na dalawang round, subalit nabutasan ni Don Argus ang opensa ni Machinehead sa Round 4 nang magawa nyang mag-sidestep para iwasan ang Reppuu Ken at gumanti gamit ang napakasakit na Electric Wind God Fist. Naulit ni Don Argus ang counter attack na ito sa Final Round, na syang naging dahilan ng kanyang lamang. Tinapos nya ang Game 1 sa isang low parry combo, at kinuha ang unang puntos ng best-of-three match.

Ramdam ang momentum ni Don Argus sa Round 1 ng Game 2 nang habulin nya ang lamang ng Geese ni Machinehead gamit ang Electric Wind God Fist to Rage Drive combo na sinundan nya ng Battering Ram (d+2+3) reset, bagay na ikinagulat at ikinamangha ng maraming nanonood. Sa ganda ng pagkakagawa ng reset na ito, naging parte ‘to ng Top 5 Plays para sa araw na ‘yon.

Ngunit naging mas mabangis ang Geese ni Machinehead nang makapagbitaw ito ng Max Mode combo sa Round 2 na nagbigay ng malaking kalamangan para sa dragon ng Smart Omega. Kitang-kita ang higpit ng depensa ni Machinehead, pero ang mabagsik nyang opensa ang nagpanalo sa kanya sa Game 2 nang mahuli nya ng heavy Jaei Ken si Don Argus sa wall sa Final Round.

Bago pumasok sa Game 3, makikita si Don Argus na pinag-aaralan ang diskarte sa paparating na laban. Marami ang nag-iisip na magpapalit sya ng character at babalik sa Eliza. Subalit pinili nya pa ring mag-stick sa Heihachi pick.

Nakuha ni Don Argus ang unang dalawang rounds ng Game 3, kung saan nabaligtad nya ang resulta ng Round 2 gamit ang Spinning Demon to Rage Drive combo na tinapos nya ng Geta Stomp (d+4) to Lightning Crush (f+3) mix-up.

Nagpakita naman ng kakaibang determinasyon si Machinehead sa Round 3 nang palagan nya ng Ajaku Tukikage (WS+1) to Max Mode combo ang Heihachi ni Don Argus sa kabila ng negative frames. Ngunit sa huli ay nangibabaw pa rin si Don Argus nang tapusin nya ang match sa sa Round 4 sa pamamagitan ng Eishimon (d/b+2) sa score na 2-1.

Ito ang ikalawang beses na tinalo na Don Argus si Machinehead sa The Nationals Season 3, ang una ay noong Draft Series.

Sa kasalukuyan, nasa hulihan pa rin ng Player Standings si Don Argus sa score na 12 points. Pero sa pagbabalik ng kanyang Heihachi sa The Nationals, sapat kaya ang nalalabing apat na araw sa Group Stage para makahabol sya sa puntos at makapasok sa Playoffs?

Tekken The Nationals Season3 Player Standings
Credit: The Nationals

Mapapanood ng live ang The Nationals Tekken 7 Pro League Season 3 tuwing Miyerkules, Huwebes, Sabado, at Linggo sa The Nationals Facebook page.