Nagbabalik na nga si Jun Kazama.

Ang bagong Tekken 8 trailer na ibinagsak sa The Game Awards ang nagpasilip sa atin sa ina ni Jin, si Jun Kazama, bukod pa sa mga bagong mechanics ng game tulad ng exploding wall system.

Nakumpirma rin sa video ang ilan sa mga miyembro ng roster tulad nina Paul, Marshall Law, King, Lars, at Jack-8.


Jun Kazama nagbabalik sa Tekken 8

Tekken 8 Jun Kazama
Screenshot by Ron Muyot?ONE Esports

Inakala ng marami na patay na si Jun bago ang mga kaganapan sa Tekken 3, kung saan kinailangan niyang harapin si Ogre upang makatakas ang batang Jin Kazama. Gayunpaman, walang naging kumpirmasyon ang kanyang kinahinatnan, kung kaya’t maraming mga fans ang nakipagtalo at nagsabing nagawa niyang makaligtas matapos ang pakikipagtuos sa God of Fighting. At ngayon, nakumpirma na ang matagal na haka-haka.

Ipinakita sa trailer ang ilang mga eksena sa kabataan ni Jin, lalo na ang kanyang alaala ng kanyang ina at kung anong klaseng kapangyarihan ang meron siya upang kontrahin ang Devil gene, na nagbabadya ng kanyang pagkakaligtas. Ito ang dahilan kung bakit ang Tekken 8 trailer ay nagtapos sa tagline na “Fist Meets Fate.”

Ngunit maliban sa pagkasabik, ang mahigit isang minutong trailer ay nagbunga pa ng mas maraming katanungan. Nasaan si Jun nitong mga nakaraang taon? Paano gumagana ang bagong wall system? Bakit may dalang rail gun si Jack-8? Anong nangyari sa buhok ni Paul?

Dahil wala pang inaanunsyong release date, kelangan natin maghintay kung kelan ang susunod na update na ilalabas ng Bandai Namco at umasang masasagot nito ang ilang mga katanungan.

Lalabas ang Tekken 8 sa PlayStation 5, Xbox Series X|S, at PC.

Mapapanood ang kabuuan ng teaser trailer dito:



Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.