Sa pagtatapos ng The Nationals Season 3 Tekken Conference, muling pinatunayan ni Alexandre “AK” Laverez ng Laus PlayBook Eagles na siya ang pinakamagaling na Tekken player sa buong Pilipinas nang tanghalin syang three-peat champion.
Si LPE AK ang itinuturing na hari ng The Nationals dahil sa kanyang pagiging grandslam champion ng Season 1, Season 2, at ngayong Season 3.
Matapos ang nakakapagod at makapigil-hiningang mga laban, nakuha ni LPE AK ang kampeonato sa kabila ng pagbagsak nya sa Losers Bracket. Dito ay mas nasubok ang kanyang tibay at mas lalo nyang napatunayan kung bakit sya ang dapat maging kampeon ng Season 3.
Versus CUW Vermilion sa Winners Round 1

Tinagurian ang tunggalian sa pagitan nina LPE AK at Raphael “Vermilion” Cueva ng Cignal Ultra Warriors bilang ‘El Classico’ ng The Nationals dahil sa halos pantay na panalo nila laban sa isa’t isa.
Pero si Vermilion ang buena manong nakatikim ng kamandag ng kampeon sa playoffs makaranas ng 0-3 sweep ang kanyang Devil Jin laban sa Paul ni AK. Ito ang nagbigay ng magandang simula para kay AK sa tournament.
Versus HFE Coffee Prinz sa Winners Round 2

Si Jeffrey “Coffee Prinz” Gonzales ng Happy Feet Emperors ang nagbinyag ng unang talo ni AK sa playoffs nang kunin ng kanyang Steve ang Game 2 sa Paul ni AK para matabla ang series sa score na 1-1. Ito ang naging dahilan para magpalit ng character si AK at ilabas ang kanyang Marshall Law, at nakuha nya ang Game 3 at 4 para tapusin ang series sa score na 3-1.
Versus SMO Jules sa Winners Finals

Masasabing ang pambato ng Smart Omega na sa Juliano “Jules” Lozano ang pinakanagpahirap sa sa kampeon sa buong playoffs. Ramdam ang uhaw ng dragon ng Smart Omega nang talunin nya si AK sa dalawang unang games ng series, dahilan para gamitin ni AK ang kanyang main na Shaheen. Pero sa Game 3, sinemento ni Jules ang kanyang lamang nang talunin nya at ilaglag sa Losers Bracket si AK.
Versus BRE Maru sa Losers Finals

Ang star player ng Bren Epro na si Maru Sy ang harang na kinailangang lampasan ni AK papuntang Grand Finals. Matatandaan na silang dalawa ang nagharap sa finals ng nakaraang dalawang season, pero sa pagkakataong ito ay isa lang sa kanila ang tutungtong sa huling laban para makuha ang kampeonato.
Mainit ang simula ng Steve ni Maru nang itumba nito ang Paul at Law ni AK sa Game 1 at 2 at lumamamng sa series sa score na 2-0. Sa pagpasok ng Game 3, inilabas ni AK ang kanyang Geese na nagbigay sa kanya ng puntos sa Gmes 3 at 4 at nagdala sa kanya sa Game 5 ng series. Sa Round 4 ng huling game tuluyang nilaglag ni AK si Maru mula sa tournament nang mag-whiff ang Chopping Elbow (b+1) ng Bryan ni Maru na ginantihan ni AK ng isang Max Mode combo na may Jaei Ken ender.
Muling pagharap kay SMO Jules sa Grand Finals

Gamit ang kanyang Geese, muling hinarap ng defending champion ang dragon na naglaglag sa kanya papuntang Losers Bracket. Mas mataas na pressure sa muling paghaharap na ito para kay AK dahil bukod sa nakasalalay na championship, mayroon ding twice-to-beat advantage si Jules.
Patuloy na ginamit ni AK ang kanyang Geese, na syang nakatulong upang ma-reset nya ang bracket sa score na 3-1 laban sa Marduk at Heihachi ni Jules.
Matapos ang bracket reset, inilabas na ni Jules ang kanyang main na Jin Kazama para itapat sa Geese ni AK. Umabot sa Game 5 ang huling series Season 3 at talagang balikatan ang laban ng dalawang Tekken players. Pero sadyang iba ang dugo ng kampeon pagdating sa init ng laban. Kinuha ni AK ang huling game ng season sa isang ‘no-round-brown’ win.
Planado lahat ‘yon

Sa post-game interview, binanggit ni LPE AK na planado na ng kaniyang team ang kaniyang laro sa buong season mula nung simula pa lang.
“Itong buong Nationals, planado po talaga lahat yun. Yung pangit yung laro ko nung umpisa, yung positioning ko nasa ilalim. Kasi kapag nasa taas ka, ikaw yung minamata ng lahat eh, diba? Pag top 1 ka sa Play-ins, top 1 ka sa Group Stage, sa’yo naka-focus ang lahat kasi meaning nun ikaw ang pinakamalakas. Nag-lie low muna ko, nag-experiment kami. Ok lang matalo basta… kasi ang importante naman nasa Top 8 ka, diba? Dun naman kasi magtatanggalan and dun mangyayari lahat. So planado lahat yun.”