Ang WePlay Ultimate Fighting League ay isa sa mga Fighting Game Community (FGC) tournaments na kumikilos upang unting-unting maibalik ang mga offline fighting game events.

Bukod sa napakagarang arena kung saan maglalaro ang mga players at championship belt para sa pinakamahusay na fighter, inangat nila sa ibang level ang liga sa pamamagitan ng pagdagdag ng isang kakaiba at interesanteng bagay: heart rate monitors.

Habang naglalaro ang mga players, may suot silang mga heart rate monitors para makita kung sino ang kalmado at kung sino ang kumakabog ang dibdib sa kaba.

Kung titignan, tila ang Tekken yata ang pinaka nakakakabang fighting game dahil halos umabot ng 200 BPM ang heart rate ni Bilal Ilyas sa tindi ng laban nila ng Tekken legend na si Kim “JDCR” Hyun-jin.

Kung sumasabog na puso ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang Mortal Kombat 11. Sa madugong laban nila Arman “ArnKratos” Mkrtchyan and Hamid “MK_Azerbaijan” Mustafayev, nagpalitan ang bira ang dalawang players habang hindi bumababa sa 160 BPM ang heart rate nila, patunay lamang na pwedeng maging workout ang competitive gaming.

Sa Soul Calibur VI na ata makikita ang mga pinakakalmadong players sa buong liga. Hanggang sa huling laro ng kanyang best-of-nine series, ang SC6 champion na si Jonathan “Woahhzz” Vo ay may heart rate na humigit-kumulang 130 BPM lamang. Mababa kumpara sa ibang mga players.

Kahit kakatapos lang ng Season 1, na napanalunan ng Tekken champion na si Arslan “Arslan Ash” Siddique, nakakasabik ang mga susunod na season ng Ukraine-based FGC league na ‘to para makita kung sino ang mananalo at kung sino ang kabado.