Ginanap kamakailan ang isa sa mga pinakamalaking fighting game events sa buong mundo, ang Evolution Championship Series (Evo) 2021 Online South Asia.
Sa top 4 ng Asia South region, nakapasok ang isa mga inaabangang Filipino pro Tekken player ng Omega Esports na si Juliano “Jules” Lozano.
Si Omega Jules ay itinuturing na isa sa mga pinakamahusay gumamit ng Jin Kazama sa Pilipinas, ito rin ang dahilan kung bakit sya binansagang “Jin ng Pinas”. At sa top 4 ng Evo 2021 South Asia, pinatunayan nyang karapat-dapat sya sa titolong ito.
Nagpaulan ng parry ang Jin ni Omega Jules
Isa sa mga natatanging defensive tools ni Jin Kazama ay ang kanyang parry. Bukod sa generic na low parry, meron din syang high at mid parry. Pero para epektibong magamit ang mga ito, kailangan ng strict timing, anticipation, at knowledge sa moves ng kalaban. Ipinakita ni Omega Jules ang husay nya sa paggamit nito sa kanyang mga matches sa top 4.
Omega Jules vs Bren Maru
Sa kanyang unang laban sa top 4, nakalaban ni Omega Jules ang kapwa Pinoy na si Maru Sy ng Bren Esports.
Sa huling 20 seconds ng final round sa game 3 ng kanilang best-of-three set, lamang ng kaunti sa life bar si Bren Maru habang si Omega Jules naman ay nasa Rage state na. Tinamaan ni Omega Jules ng Demon’s Paw (f,f+2) ang Kazumi ni Maru, ngunit nakaganti ang Bren pro player ng unang hit ng Demon’s Gate Crasher (WS+4) at Crimson Dawn (d/f+1). Ngunit nang subukan ni Maru tapusin ang laban sa pamamagitan ng isang low kick (d+4), ay sinalo ito ni Jules ng low parry na sinundan ng Kishin Rekko (3,1) at Rage Art upang tapusin ang laban at ilaglag sa tournament ang pambato ng Bren Esports.
Omega Jules vs Lan
Sa Losers Finals, nakaharap ng Omega ang Singaporean na si Ruslan “Lan” Rahman na isang Julia main.
Sa final round ng game 1, lamang sa life bar si Omega Jules subalit nahabol ito ni Lan dahil sa isang wall bound combo at isang wall splat combo. Tinangka ni Jules na magantihan ang kalaban ngunit nasalag lamang ang kanyang mga atake. Dumating ang pagkakataon na hinihintay ni Jules nang magbato si Lan ng Deceptive Kick na galing sa Twisting Arrow (d/f+2,3,4). Sinalubong ito ni Jules ng isang clutch low parry na sinundan ng isang screw combo na may Rage Art finisher.
Sa round 4 naman ng game 5, malaki ang lamang ni Jules sa huling 25 seconds. Maingat na nagbato si Jules ng mga pokes upang unti-unting ubusin ang buhay ng kalaban. Sa final 10-second mark, sumubok si Lan ng Mad Axes (qcb,f+2) ngunit nakalasan ito ni Jules. Dahil sa malapit nang maubos ang oras, pinakawalan ni Lan ang kanyang Rage Drive sa pag-asang tatama ito. Ngunit naka-backdash si Jules para iwasan ang unang hit, at na-parry nya naman ang ikalawa para sa isang Switch Blade (2,4) na tumapos sa best-of-five series.
Bagamat natalo si Jules sa Grand Finals sa kamay ng Evo Japan 2020 champion na si Nopparut “Book” Hempamorn ng Thailand sa score na 3-1, di pa rin maitatanggi na ang kanyang mga matches ang nagpaganda at nagdala ng excitement sa top 4 ng Evo 2021 Online South Asia tournament.