Matapos ang tatlong araw ng pakikipagbakbakan, tinanghal na kampeon ng Tatakai Pilipinas ang Tekken pro player ng Omega Esports na si Juliano “Jules” Lozano.
Ang Tatakai Pilipinas ay bahagi ng Tekken Online Challenge (TOC) 2021. Inorganisa ng Gariath Concepts, ito ang kauna-unahang Dojo event sa bansa na.
Sa 162 players na sumali at bumuo ng brackets, nakatawid si Omega Jules mula pools hanggang Grand Finals nang walang talo sa tournament na may double-elimination format.
Omega Jules sa Top 8 ng Tatakai Pilipinas
Omega Jules vs PBE Doujin sa Winners Semi
Sa kanyang unang laban sa Top 8, hinarap ng Jin ni Omega Jules ang Miguel ni Andreij “Doujin” Albar ng PlayBook Esports.
Sa unang game ay mabilis na tinapos ni Omega Jules ang laban sa Island Paradise sa isang “No Round Brown.” Isa sa mga highlights ng game na ito ay ang crouch cancel to Switch Blade punish ni Jules sa Segada ni Doujin.
Pumalag naman sa game two si Mokudoujin nang tapusin nya ito gamit ang apat na magkakasunod na Segada para sa isang clutch win. Ito ay resulta ng matinding “mind games” na isa sa mga dahilan kung bakit kinatatakutan si PBE Doujin.
Ngunit hindi nagpatinag si Omega Jules. Tulad ng ginawa nya sa game one, isang “No Round Brown” ang muling inihain ni Jules sa kalaban nang tamaan nya ng hop kick ang agresibong si Doujin sa huling segundo ng round upang tapusin ang set sa score na 2-1.
Omega Jules vs PBE AK sa Winners Finals
Isa pang pambato ng PBE ang hinarap ni Omega Jules sa Winners Finals, si Alexandre “AK” Laverez.
Sa pagkakataong ito ay gumamit ng Marduk si Jules upang pantapat sa Shaheen ng dating Tekken child prodigy. Ngunit hindi naging madali ang match up para kay Jules kung kaya’t nagpalit sya ng character at gumamit ng Heihachi nang kunin ni AK ang game two.
Sobrang dikit ng laban ng dalawa sa Winners Finals. Isa sa mga nagpahirap kay Jules ay ang stick-and-move playstyle at husay ng combo conversions ni AK.
Sa game four, isang reverse sweep ang nagawa ni Omega Jules mula sa isang two-round deficit upang tapusin ang best-of-five series nang 3-1, at umabante sa Grand Finals.
Omega Jules vs PBE AK sa Grand Finals
Dala ang twice-to-beat advantage, muling nakaharap ni Jules ang SEA Games silver medalist sa Grand Finals.
Ramdam ang init ng pagpasok ni AK sa Grand Finals nang tapusin nya ang game one nang “No Round Brown” gamit ang isang Rising Falcon combo sa Heihachi ni Jules.
Dahil dito, inilabas ni Omega Jules ang isa pa nyang main na si Bob upang kunin naman ang game two, at itabla ang series score sa 1-1.
Muling nangibabaw ang 50/50 crouch dash mix-ups ni AK sa game three, dahilan upang makuha nya ang lamang sa score na 2-1.
Isang draw naman ang naganap sa round two ng game four nang maubusan ng oras si Omega Jules para sa kanyang huling mix-up.
Dahil sa naganap na draw, isang round na lang ang kailangan ni AK upang ma-reset ang bracket. Ngunit hindi nagpatalo si Jules. Kinuha nya ang sumunod na round upang dalhin sa final round ang game. Dito ay gumanti si Jules gamit ang napakakunat nyang depensa para ubusin ang oras at kunin ang game four sa isang Time Up.
Sa game five ng series, nakuha ni AK ang unang dalawang rounds, pero kakaibang tibay at determinasyon ang ipinamalas ni Omega Jules upang mapigilan ang kalaban na kasalukuyang nasa match point.
Kakaibang tension ang naramdaman sa mga huling sandali ng round four dahil sa tindi ng depensa ni AK, pero nalusutan ito ni Jules gamit ang Course Picante string.
Sa final round ay maagang nakakuha ng momentum si AK, ngunit sa 16-second mark ng timer ay nakapagpakonekta si Jules ng isang Abats Snipe. Sa kasamaang palad ay nalaglag ang combo nito, dahilan upang makaganti ang pambato ng PBE ng isang Rage Drive. Ngunit dahil sa alanganing anggulo ng pagtama, hindi rin nakumpleto ni AK ang kanyang combo. Pagkatapos ng techroll ay nag-sidestep si Omega Jules para iwasan ang crouching jab ng kalaban at tapusin ang tournament gamit ang isang mid right punch para tanghaling kampeon ng Tatakai Pilipinas.
Makakatanggap si Jules ng 100 TOC points at ang lion’s share ng PHP20,000 prize pool.

Sa isang eksklusibong panayam, sinabi ni Omega Jules sa ONE Esports na magpapahinga muna sya sa Tekken matapos ang mahaba at nakakapagod na tournament na napanalunan nya. “I have to rest. Gonna take a break from Tekken,” sabi ni Jules.