Kasalukuyang nakikipagtunggali sa ikalawang season ng Afreeca Tekken League 2021 ang Tekken legend na si Kim “JDCR” Hyun-jin. At kamakailan ay nakaharap nya sa lower bracket ang kanyang matagal nang karibal na si Bae “Knee” Jae-min.
Bagama’t ilang taon nang naisantabi ang alitan ng dalawang pros na nagsimula pa noong panahon ng Tekken 5, mariing inaabangan pa rin ng mga fans at casters ang classic Korean matchup na ito.
Armor King ni JDCR laban sa Zafina ni Knee

Sa pagtatagpo ng dalawang alamat, gumamit si JDCR ng Armor King, na nakatanggap ng mga buffs nitong huling patch. Malahalimaw ang laro ng pro player sa unang round, kung saan dalawng Toe Kick Stunners ang kanyang napatama sa Zafina ni Knee.
Sa kabila ng natanggap na low parry at combo sa wall, hindi pumalya ang Armor King player sa pag-punish ng low ni Knee at kunin ang game one sa pamamagitan ng Underhanded (f,f,N+2) at Stomp (d+3).
Running Cross Driver para kay Devil Jin
Nang hindi palarin kay Zafina, pumili si Knee ng mas teknikal na character, si Devil Jin. Sa kabila ng pagpapalit, hindi nagpaawat si JDCR para ipakita ang kanyang husay sa paggamit ng Armor King.
Mabilis na nabasa ng pro player ang laro ng Devil Jin, kung kaya’t napatama nya nang dalawang beses ang counter-hit combo na Concussion Hook (d/f+2), Taurus Cutter Edge (d+3+4,1), at Running Cross Driver (WR+2+4).
Sa huling round, umasa ang Armor King player sa kanyang fundamentals, kung saan ginamitan nya lang si Knee ng mga sundot at chipoy para makuha ang health advantage.
Nang magsimula nang maging agresibo si Knee at lumusob gamit ang Demon’s Paw, inilagan ito ni JDCR sa pamamagitan ng pag-sidestep, at ni-launch ang kalaban para sa pamatay na Running Cross Driver combo.
Bagama’t isa lamang ito sa maraming beses na paghaharap ng mgakaribal, nakakamangha pa ring mapanood si JDCR na inilalabas ang kanyang galing sa mga matitinding laban tulad nito.
Panoorin ang iba pang mga laban sa Afreeca Tekken League sa ibaba: