Maraming pro players ang nanibago sa pagdating ng Tekken 7 patch 4.20. Ito ay sa kadahilanang lumabas ang patch habang nagaganap ang Day 3 ng The Nationals Pro League Season 3 Group Stages, at kinailangang mag-adjust ng mga pro players sa kalagitnaan ng tournament.

Dito nasubok ang husay ng mga pro players sa paga-adjust ng mabilisan. Dahil hindi tulad ng mga nakaraang updates kung saan lumalabas ang patch notes ilang araw bago ang aktwal na patch, halos naunang lumabas ang update bago nakita ng mga players ang patch notes. Dahil dito, mabilisang pag-aaral ng patch notes ang ginawa ng mga pro players at kanilang teams.

Ayon sa patch notes sa tweet ng Tekken producer na si Michael Murray, nakatanggap ng buff ang ilang characters tulad nila Lili, Armor King, Heihachi, Feng Wei, Leo, Eddy, at Jack. May mga characters din na nagkaroon ng minor adjustments sa ilang mga moves, samantalang may ilan na hindi naapektuhan ng patch update. Nakatanggap din ng maraming nerf ang pinakabagong character na si Lidia Sobieska.

Sa dami ng pagbabago na dala ng bagong patch, paano kaya nito maapektuhan ang kasalukuyang meta ng The Nationals Pro League Season 3 Tekken 7 Conference?