Ang Tekken ang isa sa mga pinakasikat na fighting game franchise sa buong mundo. Nilikha ng Namco, na ngayon ay kilala bilang Bandai Namco, lumabas ang unang Tekken game sa arcades noong 1994 bago ito lumabas sa PlayStation matapos ang ilang buwan. Magmula noon, tumatak na ang Tekken sa fighting game scene na naging dahilan ng pagkakaroon nito ng sariling liga, pelikula, kultura, at pagpasok sa eksena ng esports.
Pero ano nga ba ang pinakamaganda sa lahat nang Tekken games?
Gumawa ako ng listahan ng mga Tekken games ayon sa ganda nito. Nais ko lang ipaalala na ang ranking na ito ay opinyon lamang at hindi nangangahulugan ng kahit anong masama tungkol sa game.
Hindi kasama sa listahan ang mga spin-off Tekken games tulad ng Death by Degrees, Tekken Revolution, Tekken Advance, Tekken Card Game, Tekken Hybrid, Tekken Mobile, at Tekken 3D: Prime Edition.
Tekken games ranked
9. Tekken (1994)

Dito nagsimula ang lahat. Bago sa mata ang pagiging 3D ng larong ito noong panahong ‘yon. Bagama’t naunang lumabas ang Virtua Fighter, mapapansin pa rin ang kaibahan na dala ng Tekken pagdating sa gameplay. Kakaiba rin ang control system na ipinakilala ng larong ito dahil may nakatalagang button para sa bawat kamay at paa ng character, ibang-iba sa mga kasabayan nitong fighting games.
Sa kabila ng hindi maayos na in-game balance, nagbigay ito ng fresh experience para sa mga players. Sumikat din ang mga characters tulad nila Paul at Kazuya.
8. Tekken 4 (2001)

Ito ang laro na nagbukas ng pinto para sa mga makabagong Tekken games. Sobrang layo ng itsura nito kumpara sa sinundan nyang Tekken Tag Tournament.
Naging matapang ang developers sa paggawa ng game na ito. Dito ipinakilala ang walls at breakable elements sa background, meron din ditong uneven terrain kung saan maaari kang maging dehado o lyamado depende sa iyong posisyon sa stage. Dito rin unang ipinakilala ang Just Frame system.
Maraming players ang nagsasabing hindi nila nagustuhan ang pagkakabalanse ng game na ito ngunit ito ang nagbukas ng daan para mas mapaganda ng franchise ang mga sumunod na titles. At oo, broken si Jin.
7. Tekken Tag Tournament 2 (2011)

Malaking bahagi ng gameplay nito ay base sa Tekken 6 na sinamahan ng tag elements ng naunang Tag game. Inayos ang Bound mechanic para sa mga tag combos at makapagbigay ng mas malaking damage. Astig din ang kakaibang animations ng mga tag throws at pagtakas sa mga ito.
Nasa game na ito ang halos lahat nang characters na lumabas sa mga naunang Tekken games. Dahilan kung bakit ito ang may pinakamalaking character roster sa buong series.
6. Tekken 6 (2007)

Dito nagsimula ang Bound system na ginamit sa Tekken Tag 2 pati na rin ang Rage mechanic na ginagamit pa rin hanggang ngayon. Sa game na ito rin unang nagkaroon ng multiple level stages.
Bagama’t hindi nito napantayan ang hype na natamo ng naunang game (Tekken 5), marami pa rin ang nag-enjoy sa larong ito dahil sa balanseng gameplay at magandang customization feature.
5. Tekken Tag Tournament (1999)

Isa na namang bagong feature ang pinakilala ng franchise na ito sa pamamagitan ng Tag mechanic, kung saan maaari kang pumili ng dalawang characters na pareho mong gagamitin sa laban. Ang malaking parte ng mechanics ng larong ito ay base sa Tekken 3.
Dominante ang mga Mishima sa larong ito at bagama’t may ilang characters na kayang makipagsabayan sa kanila, maraming mga characters ang sadyang mahina para sa competitive play. Ngunit sa kabila nito, nanatili pa ring enjoyable ang larong ito.
4. Tekken 2 (1995)

Mula sa pundasyon ng naunang game, isang malaking improvement ang Tekken 2, na may mas maraming characters at mas maraming moves. Naging mas maayos ang visuals pati na rin ang fighting mechanics nito kumpara sa original.
Maraming limitadong aspeto ang game kumpara sa ibang Tekken games ngunit maganda ang pagkakabalanse nito.
3. Tekken 5 (2004)

Kapag tinanggal ang mga hindi magandang elemento sa Tekken 4, tapos mas pagandahin ang fight mechanic at combo system, Tekken 5 ang kalalabasan.
Ito na siguro ang pinakabalanseng game sa series. Walang character na sobrang OP. Dito rin ipinakilala ang crush system. Tsaka sobrang lupit din ng soundtrack nito.
Marahil ang hindi lang nagustuhan ng mga competitive players sa game na ito ay ang paglabas ng huling version nito na Tekken 5: Dark Resurrection sa handheld console na PSP. Dahil sa kawalan ng maayos na multi-player feature, nabawasan ang competitive element ng laro.
2. Tekken 7 (2015)

Sinasabing isa sa mga pinakamagandang fighting games na aktibo sa ngayon, ito ang laro na nagpalakas ng Tekken franchise at nagdala nito sa ibang level, at pati na rin sa eksena ng esports.
Dahil sa malawak na DLC campaign na tumagal ng apat na seasons, napanatili ng game ang player base nito. Malawak rin ang roster nito kumpara sa ibang Tekken games, na isa sa dahilan ng pagtangkilik ng mga players dito.
Ginawang mas madali ang game na ito para maging mas welcoming para sa mga bagong players, pinadali ang escape mechanic ng generic throws at wala na ring backroll feature kung kaya’t nabawasan ang okizeme options ng umaatakeng kalaban.
Mas pinaganda rin ang online mode ng larong ito kung kaya’t nananatiling aktibo ang competitive scene.
1. Tekken 3 (1997)

Itinuturing bilang isa sa mga greatest fighting games of all time, ang Tekken 3 ang nagsemento ng estado ng Tekken series sa mundo ng fighting game franchise. Masasabi rin na ito ang nagdala ng Tekken series sa mainstream.
Napakalinis ng game mechanics pati na rin ng story mode. Marami rin sa mga magagandang features at mechanics na nagustuhan natin sa Tekken ay nagsimula sa larong ito. Maganda rin ang soundtrack at graphics ng laro para sa panahon nito.
Dito rin unang lumabas ang mga sikat na characters tulad nina Jin Kazama at Eddy Gordo.
Sang-ayon ka ba sa pagkakapwesto ng mga Tekken games sa listahan na ‘to? Para sa’yo, alin sa mga Tekken games ang dapat nasa number one spot?