Tinanghal na kampeon ang Acend nang talunin nila ang Gambit Esports sa katatapos lang na Valorant Champions 2021 na ginanap sa Berlin, Germany.

Valorant Acend Valorant Champions 2021
Credit: Valorant Champions

Naging matibay ang panimula ng Acend sa defensive side ng Breeze. Maagang nag-init si Aleksander “zeek” Zygmunt kung kaya’t napigilan nya ang mga utilities ng Gambit gamit ang kanyang KAY/O habang si Mehmet Yagiz “cNed” Ipek naman ang tagapitas gamit ang kanyang Jett. Namroblema ang Gambit sa pagkuha ng site control sa first half at natapos ang unang half sa score na 9-3.

Mukhang na-activate ang 9-3 curse para sa game na ito nang makakuha si Ayaz “nAts” Akhmetshin ng sunod-sunod na rounds para sa kanyang team, at isang comeback win ang ginawa ng Gambit Esports sa Game 1,13-11.

Bumawi si Santeri “BONECOLD” Sassi sa simula ng Game 2 sa Ascent at kumuha ng 4K sa ikalawang round. Naging epektibo ang aggressive playstyle ng Acend sa mas maliit na mapang ito. At katulad ng sa Breeze, lamang ang Acend sa pagtatapos ng first half 7-5.

Sa pagkakataong ito, hindi na pumayag ang Acend sa comeback kaya’t kinuha nila ang sumunod na limang rounds. Muling sumaklolo ang Sova ni BONECOLD upang tapusin sa score na 13-7 ang Game 2.

Gumanti ang Gambit sa ikatlong mapa na Fracture nang kunin nila ang unang tatlong round ng first half, kabilang na ang Flawless win sa bonus round. Kita ang pagkadismaya ng EMEA team nang hindi sila makakuha ng bwelo.

Sa huli ay kinuha ng Gambit ang game sa score na 13-3. Nagsilbing malaking harang naman para sa Acend si nAts na nakakuha ng 26-3 KD rating.

Maagang lumamang ang Acend sa Icebox ngunit nagpalitan na lamang sila ng puntos nang magsimula ang mga buy rounds. Muling nagbigay kalamangan sa EMEA team ang maaasahang si cNed kung kaya’t nagtapos ang unang half sa dikit na score na 7-5.

Humabol naman ang Gambit sa second half nang kunin nila ang lamang sa score na 10-8. Tulad ng sa first half, palitan ng puntos ang naging laban kung kaya’t nauwi ang Icebox sa overtime. Lumamang agad ang Acend sa OT salamat sa double kill ng Sage ni Patryk “starxo” Kopczynski, bago nila tuluyang kunin ang Game 4 sa isang malupit na post-plant play sa score na 14-12.

Sa Split naganap ang huling pagtutuos ng dalawang nagbabanggang koponan, at dito kumuha ng maagang kalamangan ang Acend na umabot sa 7-1, ngunit hindi basta-basta nagpaapi ang Gambit na kumuha sa huling apat na rounds ng unang half.

Hindi na nagpaawat ang Acend sa kanilang lamang ngunit mapilit pa rin ang Gambit sa kanilang mga aggressive peeks. Hindi na hinayaan ng Acend ang comeback ng Russian team kung kaya’t tuluyan nilang pinatay ang economy nito gamit ang napakagandang read kabilang na ang 2v3 post-plant sa A site. Inangkin ng Acend ang Split sa score na 13-8  nang kunin ni Vladyslav “Kiles” Shvets ang huling kill ng tournament upang tapusin ang series at maging kampeon ng Valorant Champions 2021.

Valorant Acend Gambit Esports Valorant Champions 2021
Credit: Valorant Champions

Para sa iba pang balitang esports, i-like at i-follow ang aming official Facebook page.