Kakalabas lang ng Stranger Things Season 4 at mas nakakatakot at mas epic ang beryson na ito ng serye na minahal nating lahat.

Kasama ang mga pamilyar na mukha tulad nila Millie Bobby Brown, David Harbour at Winona Ryder, tampok din sa Season 4 ang mga bagong cast members na nadamay sa mga kababalaghan sa Upside Down.

Si Grace Van Dien, na gumaganap bilang Chrissy Cunningham (Hawkins High School head cheerleader), ay isa sa mga idinagdag. Ang bagong Stranger Things actress ay isang ring avid gamer at Twitch streamer na madalas naglalaro ng Valorant at iba pang laro.

Natuwa ang mga fans nang malaman na mayroon pala siyang Twitch channel na ngayon ay may 70,000 followers na.


Ang Stranger Things actress na si Grace Van Dien ay isang gamer at Valorant streamer

Stranger Things actress Grace Van Dien
Credit: Getty/Michael Tullberg

Kilala si Grace Van Dien bilang BlueFille sa Twitch, na sa French ay nangangahulugang “blue girl”. Naglalaro siya ng iba’t-ibang games ayon sa kanyang About section. Kabilang na sa mga ito ang Valorant, Fortnite, Overwatch at horror survival game na The Forest.

Makikita ang clips ng kanyang gameplay sa kanyang Twitch channel at TikTok page. Sa katunayan, isa sa kanyang mga video sa TikTok ay nakalikom na ng mahigit 2 million views.

Nakipag-team up din siya kay Sommerset, isang top competitive Fortnite player at content creator para sa Luminosity Gaming, sa paglalaro ng Valorant.

Mula nang i-release ang Stranger Things Season 4 noong May 27, sumikat din si Van Dien sa Twitch. Ang 25-year-old Stranger Things actress ay may average na 35 viewers lang noong April, ayon sa Twitch Tracker. Ngayong June, nag-a-average na siya ng halos 2,000.

Kung gusto niyong masubaybayan ang kanyang paglalaro o makakuha ng ilang impormasyon patungkol sa Season 4 Volume 2, mayroon ding sariling Discord server ang Stranger Things actress na pwede niyong salihan.


Pagsasalin ito ng artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.