Ipinakita ng Korean Esports organization na Vision Strikers ang pinakamabisang paraan para ma-control ang garage sa kanilang grand final match laban sa F4Q sa VCT Korea Stage 3 Challengers Playoffs.
Pinigilan ng pinagsamang agent abilities ng Astra and Breach combo ang mga kalaban sa pag-agaw ng garage sa Split sa simula ng round.
Astra and Breach combo ng Vision Strikers sa garage ng Split
Sa simula ng round, magpwesto ng dalawang Astra stars sa pasukan ng garage sa attackers’ side. Matapos ito, gagamit naman si Breach ng Fault Line upang pigilan ang mga kalaban sa pagpasok.
Magbibigay ito ng sapat na oras para mabatuhan ni Astra ng smoke ang pasukan upang hindi makakita ang mga kalaban at hindi nila makita ang ikalawang star.
Pag pasok ng mga kalaban, hihilahin ni Astra ng Gravity Well ang mga susugod na manggagaling sa Nebula smoke.
Susundan ito ni Breach ng Aftershock para mapatay ang mga attackers na nahila ng Gravity Well.
Tumatagal ng 2.75 segundo ang Gravity Well ni Astra; sapat ang oras na ito para tumama ang Aftershock ni Breach na may windup time na 2.4 segundo. Sumasabog ng tatlong beses ang Aftershock na nagbibigay ng 60 damage sa bawat pagtama nito.

Screenshot by Nigel Zalamea/ONE Esports
Ang Astra and Breach combo na ito ay magbibigay sa defenders ng garage control sa bawat round. Pwede ring gumawa ng aggressive play sa pag-push ng garage sa dulong sulok, dito ay pwedeng mag-set upo ng cross-fire lineup o gumawa ng bait play.
Pinili ng Vision Strikers na manigurado kung kaya’t pumwesto si Kim “MaKo” Myeong-kwan sa dulo ng garage. Ginamit naman ni Kim “stax” Gu-taek na pain ang kanyang sarili habang nakikipaglaban sa mga agents na sumusubok ng B-site push.
Muling nakuha ng Vision Strikers ang korona bilang mga hari ng Valorant Korea nang mapanalunan nila ang VCT Korea Stage 3 Challengers Playoffs. Sila ang kakatawan sa kanilang rehiyon, kasama ang F4Q, sa darating na VCT Stage 3 Masters Berlin.

Sa Berlin magtatagpo ang 16 sa pinakamahuhusay na Valorant teams sa buong mundo na maglalaban-laban para sa VCT circuit points at pagkakataon na makapasok sa Valorant Champions tournament ng Riot Games sa pagtatapos ng taon.