Isang serye na lang ang namamagitan sa Bren Esports at ang pagkakataon na makalipad sa Germany para sa VCT Stage 3 Masters Berlin, ang ikalawang international tournament ng Valorant Champions Tour.
Ito ay matapos walisin ng natitirang pambato ng Pilipinas sa playoffs ng VCT SEA Stage 3 Challengers Playoffs ang CERBERUS Esports at Team Big BAAM upang mapanatili ang kanilang undefeated win streak at makapasok sa upper bracket final.
Bren Esports pinugutan ang CERBERUS Esports

Bitbit pa rin ng mga Pinoy ang tikas mula sa kanilang kanilang perpektong group stage run nang buksan nila ang kanilang kampanya sa playoffs kontra second-seed ng Vietnam na CERBERUS Esports.
Dikit ang first half sa Ascent pero nagawang makalayo ng Bren Esports matapos ang four-round win streak bilang Attackers. Sinubukan pang pumalag ng kanilang kalaban upang mapwersa ang overtime pero bigo ang mga ito pigilan ang huling push ng mga Pinoy, salamat na rin sa Lockdown ng Killjoy ni Kevin “dispenser” Te.
Mas nangibabaw ang Bren Esports pagpasok sa Haven. Tinapos nila ang first half sa score na 9-3, nang may bonus pang one-versus-three, 2-HP clutch highlight mula sa Omen ni Jim “BORKUM” Timbreza noong ika-anim na round.
Pagka-switch ng sides, sa CERBERUS Esports napunta ang unang dalawang round. Naka-score lang uli ang kinatawan ng Pilipinas sa ika-15 round matapos maka-4K ng Skye ni Riley “witz” Go nang mag-rush ang kanilang mga kalaban sa B site.
Tinapos ng Bren Esports ang ikalawang mapa sa score na 13-6 upang isarado ang serye. Nagtala ng game-high 18 kills, 270 average combat score, at 167.3 average damage per round ang Jett ni Jayvee “DubsteP” Paguirigan.
‘Clutch Genes’ ng Bren Esports, sumipa kontra Team Big BAAM

Ang top-seed naman ng Vietnam na Team Big BAAM ang hinarap ng mga Pinoy sa upper bracket semifinals. Bagamat natapos ng Bren Esports ang serye sa score na 2-0, hindi maipagkakaila na naging mainit ang naging barilan dahil kinailangang umabot sa overtime ang parehong mapa.
Nagsalitan sa dalawang half ng Haven ang parehong koponan. Binuksan ng Bren Esports ang unang half sa score na 9-3 pero hinabol ito ng Team Big BAAM sa ikalawang half. Naselyo sana ni BORKUM ang match point para sa kanyang koponan pero naitabla pa rin ng mga taga-Vietnam ang score sa 12-12.
Tatlong overtime ang kinailangan bago tuluyang makuha ng Bren Esports ang panalo sa unang mapa. Ang Pinoy duelist na si DubsteP pa rin ang nagtala ng game high 28-kills at 252 ACS. Tig-23 frags naman ang na-score nina Witz at dispenser habang nag-ambag ng 12 assists ang Sova ni JessieVash.
Hindi nalayo ang mga naging tagpo sa Haven nang pumasok ang dalawang koponan sa Ascent. Team Big BAAM naman ang nanguna sa mga unang round pero bumawi ang mga Pinoy sa huling apat na round, kasama pa ang 4K at defuse na ito ni DubsteP sa bago mag-switch ng sides.
Nasakyan ng Bren Esports ang momentum hanggang sa second half pero hindi ito naging sapat upang mapigilan ang koponan ni Ngô “crazyguy” Công Anh na muling dalhin sa overtime ang bakbakan.
Walang nagpalamang sa parehong koponan hanggang sa umabot ito sa quadruple overtime. Sa ika-32 na round, nakapitas ng dalawa ng Bren Esports upang makapag-rush papasok sa A-Site. Sinubukang i-retake ng Team Big BAAM ang site pero hindi sapat ang kanilang bilang upang mapigilan ang mga Pinoy na pahabain pa ang kanilang undefeated win streak.
Sa post game interview, inamin ni DubsteP na sinandalan nila ang kanilang ‘clutch genes’ upang maitawid ang dikit na overtime:
“I guess it’s the Bren clutch genes, you know? Everyone has it. It just triggers like randomly on overtime rounds sometimes its me, sometimes its dispenser, witz, or jessievash, or borkum, it could be anyone…”
Bren Esports vs Paper Rex para sa unang VCT Stage 3 Masters Berlin slot

Matapos itulak ang kanilang win streak sa 10-0, haharapin naman ng mga Pinoy sa upper bracket final ang Paper Rex. Aabante ang mananalong koponan sa grand final ng VCT SEA Stage 3 Challengers Playoffs kung saan garantisado ang slot sa Masters Berlin.
Top seed ng Group B ang naturang koponan mula sa Singapore. Dati nang nagharap ang parehong koponan sa upper bracket semifinals ng VCT SEA Stage 2 Challengers Finals kung saan nasipa sa lower bracket ang pambato ng Pilipinas.
Sa muling paghaharap ng parehong koponan, susubukan ng Bren Esports na bumawi sa pagkakatalong ito upang makalipad patungo sa Berlin.
Nakatakdang ganapin ang bakbakan sa pagitan ng Bren Esports at Paper Rex sa ika-21 ng Agosto, 3:15 p.m.
Maaaring itong subaybayan sa mga sumusunod na channels:
- English: PPGL Twitch
- Filipino: PPGL Facebook