Halos hindi pinagpawisan ang Bren Esports sa pag-arangkada tungo sa playoffs ng Valorant Champions Tour (VCT) Southeast Asia Stage 3 Challengers matapos lampasuhin ang kanilang mga kalaban para sa isang perpektong kampanya sa group stage.
Kumana ang Bren ng tatlong 2-0 sweep victory laban sa Sharper Esport ng Thailand, EGO ng Vietnam at CBT Gaming ng Taiwan upang makapagtala ng nine points at iselyo ang top seed sa Group A.
Sa kanilang pinakahuling match kontra sa Sharper noong Linggo, binuhat ni Jim “BORKUM” Timbreza gamit si Astra ang kampeon ng Philippine Challengers 1 papunta sa 14-12 overtime win sa Game 1 sa Split.
Nagtala si BORKUM ng 24 kills (2.1 KDA) at 261 combat score.

Bagamat nasiguro na ng Bren Esports ang playoff spot matapos ang panalo sa unang mapa, nagpatuloy ang kanilang mainit na opensa sa pangunguna ni Kevin “Dispenser” Te gamit si Killjoy upang mailista ang 13-8 win sa Ascent.
Tumikada ng 19 kills (1.6 KDA) at 250 combat score si Dispenser para sa men in black and yellow na mabilis na kumalas mula sa 6-6 deadlock sa first half.

Paano mapapanood ang Bren Esports sa playoffs ng VCT Stage 3 SEA Challengers
Makakaharap ng Bren Esports ang CERBERUS Esports ng Vietnam sa best-of-three upper bracket quarterfinals ng double-elimination playoffs mula August 19 hanggang 22. Mapapanood ito sa Twitch, YouTube at Facebook channels ng PPGL.
Kakailanganin lamang ng Filipino powerhouse team ng tatlong series win sa upper bracket upang makarating sa best-of-five grand finals at makasunggab ng tiket patungong Masters Berlin sa Germany na gaganapin sa susunod na buwan.

Samantala, bigong makapasok sa playoffs ang iba pang PH squads na Galaxy Racer at Oasis Gaming matapos malaglag sa bottom spots na may two points sa kani-kanilang grupo.
Nakakagulat na kinapos ding makasungkit ng playoff seat ang X10 Esports ng Thailand na hindi kasama ang kanilang 17-year-old star player na si Patiphan Chaiwong sa turneo dahil sa wrist injury.
Matatandaang pinagharian ng X10 ang VCT SEA Stage 2 Challengers at nirepresenta ang rehiyon sa Masters Reykjavík sa Iceland noong May.