Para sa Valorant squad ng Bren Esports, hindi pwedeng yung basta mag-qualify lang sa VCT Stage 3 Masters Berlin, kelangan VCT SEA champion!

Tinanghal na kampeon ng VCT SEA Stage 3 Challengers ang Bren Esports matapos nilang balagbagin ang Paper Rex sa Grand Final. Matatandaan na ang Paper Rex ang team na naglaglag sa Bren pababa sa lower bracket, kung kaya’t may halong gigil ang pagpasok ng Black and Yellow squad sa huling laban ng tournament.

Unang nagtagpo ang dalawang teams sa Bind. Dito ay naging dikit ang laban. Tila dalawang paang nag-uunahan ang score ng magkabilang kampo na nagresulta sa tatlong overtime. Pero maganda ang naging palitan ng ulo sa Round 30 na sinimulan ng two-for-one kill ni Jessie “JessieVash” Cuyco, na nagbigay ng lamang sa Bren. Palitan ng pitas ang nangyari sa laban na tinapos ni Jim “Borkum” Timbreza sa score na 16-14.

Naging mas maikli ang ikalawang bakbakan sa Split. Sa unang tingin ay mukhang babawi ang Paper Rex nang makuha nila ang unang apat na rounds sa panimulang score na 4-0. Ngunit naging balikatan na naman ang karera ng dalawang squad na umabot sa isang overtime.

Maagang kalamangan ulit ang binigay ni JessieVash sa Round 26 nang mapitas nya ang Jett ng Paper Rex na si Khalish “d4v41” Rusyaidee. Sa mga huling sandali ng game, naitumba rin nya si Aaron “mindfreak” Leonhart bago sya ma-eliminate ni Benedict “Benkai” Tan. Dito nakita ni Riley “Witz” Go ang pagkakataon para tapusin si Benkai at kunin ang 14-12 win.

Nawalan naman ng saysay ang lamig ng Icebox sa game three dahil sa init maglaro ng Bren. Dito sinelyuhan ng Bren ang kapalaran ng Paper Rex upang tuparin ang “naisusulat”. Tila sabik na sabik nang lumipad ang Pinoy squad papuntang Berlin dahil mabilis nilang tinapos ang game sa score na 13-6.

Parang bagyong dumaan ang Bren dahil nalagas ang apat na myembro ng kalaban sa loob lamang ng ilang segundo ng kanilang engkwentro, kung saan tatlo ang tinumba ni Borkum. Nakatakas si Benkai sa sakuna ngunit hindi nagtagal ay nahanp din sya ni Borkum upang tapusin ang sinimulan nito.

Sa post-match interview, maluha-luhang nagpahayag ng kanyang saloobin si Jayvee “DubsteP” Paguirigan tungkol sa kanilang pagkapanalo at kanyang mga pinagdaanan bilang isang beteranong pro player.

“It was hard. I’m just so happy that we finally… That our hard work paid off. Because I’ve been trying to chase this for my entire career so I’m so happy that we made it,” sabi ni DubsteP. “And I didn’t stop. I’m 28 years old and I’m still trying my best to do this thing for kids, you know? But we showed today that age is just a number and I’m so happy that my team[mates] are here to support me.”

Valorant DubsteP VCTStage3SEAChallengers PostMatchInterview
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Ang Bren Esports ay maglalaro sa VCT Stage 3 Masters Berlin na gaganapin sa September 10 hanggang 19.