Hindi makakalaro ang Bren Esports sa VCT Stage 3 Masters Berlin matapos ang kabiguang maselyo ang mga travel visa na kanilang kakailanganin para makalipad papuntang Berlin, Germany, ang lugar kung saan nakatakdang idaos ang nasabing Valorant tournament.

Sa opisyal na pahayag ng Riot Games, inilahad nila kung paano nila sinubukang maselyo ang mga required travel permission para sa bawat koponang lalahok sa Masters Berlin. Sa kasamaang palad, dahil sa humihigpit na travel restrictions sa buong bundo sa kabila ng banta ng COVID-19, bigo nitong maselyo ang para sa pambato ng Pilipinas.

Riot Games official statement re: Bren Esports
Credit: VALORANT Champions Tour

“Over the past month, our global mobility teams in North America, Europe, and Asia explored multiple avenues to find a solution, including engaging with relevant agencies in the Philippines and Germany. But at this time, having passed the final deadline that would allow Bren Esports to travel and attend the event, we are going to proceed with a 15 team tournament,” sulat ng game developer.

Kinumpirma naman ng Riot Games na makatatanggap pa rin ang Bren Esports ng 175 VCT points pati na rin ang nakatakdang premyo sa pag-qualify sa Masters Berlin.

Dahil rin sa pagkawala ng Bren Esports, binago ng Riot Games ang format ng tournament kung saan ginawang double round-robin, imbes na double-elimination bracket, ang Group D, na ngayon ay may tatlong koponan na lang.

Ang dalawang koponan na mangibabaw sa nasabing grupo ay makaka-abante sa Elimination Stage. Tanging ang Group D, kung saan nakapangkat sana ang Bren Esports, lang ang maaapektuhan ng nasabing pagbabago.

Ang naudlot na trip to Berlin ng Bren Esports para sa VCT Stage 3 Masters Berlin

Bren Esports Valorant
Credit: PPGL

Pumutok ang mga agam-agam patungkol sa nasabing ‘visa issues’ ng Bren Esports noong hapon ng ikatlo nang Setyembre. Sunod-sunod ang naging social media posts, hindi lang ng fans at figures ng lokal na Valorant community, kung hindi pati na rin ng mga manlalaro mismo.

Nag-trend pa nga sa Twitter ang #BringBRENToBerlin upang ipanawagan sa kinauukulan na aksyunan ang naturang problema. Maging ang Valorant superstar ng G2 Esports na si Oscar “mixwell” Cañellas Colocho ay nag-tweet din ng hashtag dahil nais niya makalaro ang mga ito.

Naka-qualify ang Bren Esports sa VCT Stage 3 Masters Berlin matapos mag-champion sa VCT SEA Stage 3 Challengers, ang palarong nagsilbing qualifier ng rehiyon. Nagrupo pa nga sila kasama ang kampeon ng nakaraang Masters tournament na Sentinels.

Sa kabila ng masamang balita, nanatili namang determinado ang Bren Esports.

Bren Esports official statement re: Brenlin
Credit: Bren Esports

“We are proud of our Valorant team’s achievemetns and look forward to their continued success. We are thankful for all the support that the community has given us through these trying times, and we continue to break barriers because of your overwhelming support,” sulat ng organisasyon.

Sinigurado din ng ‘Jett ng Pinas’ na si Jayvee “DubsteP” Paguirigan na babawi sila mula dito.


Samantala, nakatakda namang ganapin ang VCT Stage 3 Masters Berlin simula sa ika-10 ng Setyembre. Maaari itong subaybayan sa opisyal na Twitch at YouTube channel ng Valorant.