Kumpleto na ang Fnatic Valorant roster para sa darating na Valorant Champions Tour (VCT) EMEA Stage 2 Challengers.

Kinumpirma ng London-based esports organization ang pag-sign nila kay Enzo “Enzo” Mestari (dating kilala bilang Fearoth) at 16-year-old Turkish prodigy Emir Ali “Alfajer” Beder.

Pinalitan ng nasabing duo sa lineup ng Fnatic Valorant sina Andrey “BraveAF” Gorchakov at Martin “Magnum” Peňkov na parehong binangko matapos ang Masters Reykjavik 2022.

Si BraveAF ay dati nang sinuspinde muna dahil sa kumalat na private messages na tila nagpapakita ng suporta sa pananakop ng Russia sa Ukraine. Humarap din siya sa travel restrictions dahil sa nagaganap na giyera.

Si Enzo ay nauna nang kinuha bilang substitute para sa Russian player sa Masters dahil ang kanyang karanasan bilang main Sova player ng Alliance ay swak sa hinahanap ng Fnatic noon.


Pasok na sina Enzo at Alfajer sa Fnatic Valorant roster

Enzo at Alfajer sa Fnatic Valorant roster update
Credit: Fnatic

Matapos ang kanilang promising run sa VCT EMEA Stage 1 Challengers kung saan undefeated sila sa group stage, nakaranas ng maraming pagkatalo ang Fnatic Valorant kabilang na ang maagang exit nila sa Masters Reykjavik 2022.

Hindi nakapaglaro sina BraveAF at star duelist Nikita “Derke” Sirmitev sa torneo at ang epekto ng kawalan nila ay kitang-kita sa mga talo ng koponan sa kamay ng Ninjas in Pyjamas at Zeta Division.

Gayunpaman, nagpakita ng solidong performance si Enzo sa Iceland na pangunahing dahilan ng pag-sign sa kanya ng organisasyon.

Credit: Riot Games

Dagdag firepower naman ang dala ni 16-year-old pro Alfajer, na nagsilbing isa sa pinaka-consistent na miyembro ng Surreal Esports gamit ang sentinel agents.

Sa pagtatapos ng Masters Reykjavik, inamin ni Fnatic Valorant coach Jacob “Mini” Harris na masyado silang umaasa kay Derke kaya naman ang pagkuha kay Alfajer ay mahalaga para mabawasan ang bigat na pasan ng star player nila.

“Alfajer is an exciting player with a huge amount of firepower and pure talent. We believe he is more than capable of becoming one of our star players, but we will be sure to ease him through that transition as he is such a young player,” wika ni Mini.

“He has plenty of flexibility in his agent pool, which bodes well for long-term success in Fnatic. We want to be able to adapt to the fast-paced meta changes we see in Valorant and we expect that direction to only continue.”

Credit: Riot Games

Magkakaroon din ng adjustment sa role ng ibang players sa koponan. Ang dating controller na si James “Mistic” Orfila ay mapupunta sa flex role, habang ang in-game leader na si Jake “Boaster” Howlett na ang magiging main controller nila.

Upang magamit ang karanasan niya bilang IGL ng Alliance noon, si Enzo ay magsisilbi ring “secondary IGL”, ayon kay Mini.

Ang kasalukuyang roster ng Fnatic Valorant

  • Emir “Alfajer” Ali Beder
  • Enzo “Enzo” Mestari
  • Jake “Boaster” Howlett
  • Nikita “Derke” Sirmitev
  • James “Mistic” Orfila

Magde-debut ang panibagong roster ng Fnatic laban sa FunPlus Phoenix sa VCT EMEA Stage 2 Challengers group stage simula ika-14 ng Mayo.

Para sa Valorant news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.


Base ito sa artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.