Sa isa sa pinakamalaking upsets sa kasaysayan ng Valorant, binigla ng KRU Esports ang Sentinels sa isang three-map series matapos matalo sa sarili nilang map pick upang pauwiin ang isa pinakamalalakas na teams sa Valorant Champions 2021.

Kinuha ng KRU Esports ang panalo sa huling match ng Group B, kaya’t nangangahulugang aabante sila sa susunod na bahagi ng tournament habang laglag naman ang Sentinels. Ito ang pinakamaagang elimination na naranasan ng Sentinels Valorant team.
Marami ang pabor sa Sentinels ng North American region sa kanilang match laban sa KRU ng Latam, dahil sa sila ang naging kampeon ng VCT Stage 2 Masters Reykjavik at ititnuturing na isa sa pinakamahuhusay na team sa buong liga. Malakas ang panimula ng Sentinels nang kunin nila ang unang map, subalit nagawa ng KRU na mailusot ang panalo sa sumunod na dalawang mapa upang kunin ang series para sa Latin America.
“It’s really a big deal for us,” paliwanag ni NagZ sa post-game interview. “We have been here since Iceland, and we passed Berlin first stage, and now to be able to perform like this, to show our potential and show we can beat and play against the best teams in the world, it’s an amazing experience.”
Sasamahan ng KRU ang Team Liquid sa pagpasok sa quarterfinals para sa Group B. Haharapin nila ang Fnatic sa kanilang unang single-elimination match sa December 10, 3:30 a.m. GMT+8.
Mapapanood ang mga laban sa official Twitch channel ng Valorant. Mapapanood naman ang Filipino broadcast sa official Twitch at Facebook page ng PPGL.