Gumawa ng kasaysayan ang Sentinels matapos manalo sa kauna-unahang global Valorant championship, kung saan tinalo nila ng 3-0 ang Fnatic sa Grand Final ng Valorant Champions Tour (VCT) Stage 2 Masters in Reykjavík, Iceland.

Dahil sa panalong ito, inilagay ng Sentinels ang North America sa tuktok ng Valorant esports scene.

Hindi natalo sa kahit na isang mapa sa tournament ang North American team, at nagtapos sa 9-0 sa Reykjavik. Ito ang patunay na sila ang pinakamahusay na team sa buong mundo.


Ang pagsikat ng Sentinels

Nasabik ang mga fans na mapanood ang North America versus Europe rivalry, at parehong nagpakitang gilas ang magkabilang teams. Maganda ang ipinamalas na technical team play at nakakabaliw na individual skills ng lahat ng representatives.

Ito rin ang unang beses na talagang sinubok ng kalaban ang kakayanan ng Sentinels. Kahit na natalo ang Fnatic, sobrang dikit ng mga laban.

Matindi ang tension ng unang dalawang games sa Split at Bind, kung saan na-clutch ng Sentinels ang mga critical rounds sa overtime.

Makapigil-hininga ang mga huling rounds ng bawat game, at napakaliit lamang ng lamang ng mga North Americans sa karibal nilang Europeans.

Kakaibang tatag at mas malalim na pag-unawa ang ipinakita ng Lower Bracket kings na Fnatic sa kanilang rematch laban sa Sentinels, subalit sa huli, hindi pa rin ito naging sapat para makuha ang panalo pagdating sa overtime.

Pinatunayan ng Sentinel team captain na si Shahzeb “ShahZaM” Khan ang kaniyang husay sa mga key rounds ng final game sa Haven. Hindi lang nya napigilan ang mga flank plays ng Fnatic, nakagawa din sya ng imposibleng clutch win na tumulong sa kanilang lumamang sa score na 9-3 pagdating ng halftime.


Pinatunayan ni Tenz na siya ang pinakamagaling na player sa buong mundo

Valorant Sentinels TenZ Day7 VCT Stage2 Masters
Credit: Riot Games

Pinatunayan ng Sentinels na sila ang kasalukuyang pinakamagaling na Valorant team, nagpakitang gilas din ng kanilang stand-in player na si Tyson “TenZ” Ngo na tinanghal na Grand Final MVP.

Para bigyan kayo ng ideya sa performance ni TenZ sa VCT Stage 2 Masters, sya ang may pinakamagandang stats sa tournament ayon sa vlr.gg:

  • 289.4 (Average Combat Score/ACS)
  • 1.48 (Highest kill-to-death ratio)
  • 1.02 (Most kills-per-round)
  • 0.20 (Most first kills)
  • 0.09 (Least first deaths)

Matapos manalo sa tournament, nagpahiwatig si TenZ na nais nyang magpatuloy na maglaro para sa Sentinels, sa kabila ng kanyang kontrata sa ilalim ng Cloud9.

“This team honestly is so amazing. I have fun with them. I can trust all of them. They’re just the best team I’ve ever had. I would stay if I could, and I hope I could. So, I’m praying,” sabi ni TenZ.


Na-secure ng Sentinels ang unang spot sa Valorant Champions tournament

Valorant Sentinels Day7 VCT Stage2 Masters
Credit: Riot Games

Dahil sa pagkakapanalo sa VCT Stage 2 Masters tournament, pasok na ang Sentinels sa darating na Valorant World Championship tournament sa katapusan ng taon.

Nanalo din sila ng US$200,0000 at 400 VCT Circuit Points.

Sinabi ni Michael “dapr” Gulino na masayang masaya sya at ang kanyang team dahil hindi na nila kailangan maghabol ng qualifier points, pero sisikapin pa rin nilang manalo sa bawat tournament na kanilang sasalihan. Kasama na dito ang lahat ng natititrang Challengers at ang huling Masters event sa Berlin, Germany.


Anong susunod para sa Valorant Champions Tour?

Valorant Day7 VCT Stage2 Masters
Credit: Riot Games

Ang lahat ng teams sa buong mundo ay inaasahang nakatutok sa susunod na bahagi ng Challengers qualifiers. Ang mga winners ng bawat rehiyon ay uusad sa international LAN sa VCT Stage 3 Masters Berlin, Germany na nakatakdang maganap sa September 9-19 ng taong ito.

Sa pagkakataong ito, magkakaroon ng 16 teams – sa halip na 10 – na maglalaban-laban sa Masters Berlin. Ang mananalo sa tournament ay makakatanggap din ng direct invite sa Valorant Champions.