Tagumpay ang South Built Esports sa pagkuha ng kampeonato sa katatapos lang na VCT PH Stage 1 Challengers.
Hindi naging madali ang karera ng South Built Esports sa nagdaang Valorant tournament. Bukod sa muntikan nilang pagkalaglag sa group stage ay maaga rin silang ipinadala sa lower bracket ng NAOS Esports sa score na 0-2 sa ikalawang round ng playoffs.
Mula rito ay ginapang ng South Built Esports ang lower bracket upang itumba ang mga teams tulad ng Zeal Esports, Oasis Gaming, at Action PH. Matapos patalsikin ang mga humarang sa lower bracket ay muling nakaharap ng SBE ang NAOS Esports.
South Built Esports laban sa 9-3 curse

Maagang lumamang ang SBE sa Game 1 kung saan sinara nila ang first half sa score na 9-3. Ngunit naging hudyat ito ng pagdating ng kinatatakutang 9-3 curse sa second half, pumalo ang NAOS Esports at ipinanalo ang game sa score na 13-11.
Muling naulit ang senaryong ito sa Game 4 sa Icebox, natapos ang unang half na lamang ang South Built Esports 9-3. Sa pagkakataong ito ay naging mas maingat at mas handa na ang SBE na siniguradong makapag-capitalize sa mga misplays ng NAOS Esports.
Isang backstab mula kay Johnty “JA” Arone sa nag-aabang na Franz Kevin “kvzx” Dingal ang nagbigay daan upang makuha ng SBE ang Thrifty win sa Round 19.
Sa Round 20, muntikan nang maubos ni Oscar “Kakarot” Farin Jr. ng NAOS ang mga players ng South Built Esports matapos itong makakuha ng quadruple kill. Ngunit napigilan ang kanyang momentum nang aksidente itong tamaan ng Shock Bolt mula sa Sova ng kanyang kakamping si kvzx, na itinumba naman ng natitirang miyembro ng SBE na si Jan Philip “flippy” Marique.
Sa 3v3 situation ng Round 21, nakuha nina flippy at Azis “azys” Nandang ang kalamang sa 2-1 trade, at muling tinapos ni flippy ang round nang mapitas nito ang natitirang si Kakarot upang tapusin ang game 13-8 at ang series sa score na 3-1.
Tinanghal na Series MVP si JA na may Average Combat Score na 234.1 at KDA na 1.5.

Matatanggap ng South built Esports ang pinakamalaking bahagi ng US$30,000 prize pool. Makakasama nila ang NAOS Esports at Action PH upang kumatawan sa Pilipinas sa VCT 2022 APAC Stage 1 Challengers na gaganapin sa March 10 hanggang 27.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.