Mas maganda ang tinatakbo ng TSM Valorant ngayon kumpara sa dati. Matapos makapasok sa VCT NA Stage 2 Challengers Main Event mula sa unang open qualifier, 1-1 na ngayon sa group stage ang koponan dahil sa kanilang panalo kontra 100 Thieves sa Week 2.

Sa kabila nito, alam ni TSM captain Yassine “Subroza” Taoufik na hindi pa ito sapat. Siya at maging ang TSM ay umaasa na maging pinakamagaling sa laro, at alam nilang malayo pa ang dapat nilang akyatin.

Naghari ang TSM sa North American Valorant noong 2020 ngunit unti-unti silang nalaglag palabas sa Tier 1 scene sa ikalawang taon ng laro. Mabigat ito para kay Subroza at hindi siya hihinto hangga’t hindi pa sila nakakabalik sa tuktok.

“I’m not going to go until we win something,” pagdidiin niya sa bagong video sa Valorant Champions Tour (VCT) YouTube channel.


Target nila Subroza at TSM na maging No. 1 ulit

Subroza at kanyang mga kakampi sa TSM
Credit: TSM

Kinuha ng TSM sila Anthony “gMd” Guimond at Johann “seven” Hernandez bago ang VCT NA Stage 2 at dahil sa bagong roster na ito ay may kahati na si Subroza sa in-game leader duties sa anyo ni gMd.

Bumuo ng chemistry ang duo sa kanilang CS:GO days sa free agent team na French Canadians at pinagkakatiwalaan nila ang isa’t-isa. Responsable si Subroza sa shot-calling sa attack habang si gMd naman ang nagte-take over sa defense.

“This gives me a little break so I can focus on my game,” saad ng TSM captain.

Ang kanilang pagpalya na makapasok sa Stage 1 ang nagtulak kay Subroza na tutukan pa lalo ang pagbuo ng roster.



Naniniwala ang 24-year-old pro sa kahalagahan ng opinyon ng lahat ng kanyang mga kakampi. “I like to see everyone’s input. If we go over a team comp or how we want to play a map, I like to give my opinion but I also like to hear everyone’s opinion.”

Bagamat siya ang core ng koponan at ang pinakamatagal nang miyembro nito, umiikot pa rin sa duelists ang playstyle ng TSM.

“We’re going to put a lot of effort into making sure corey is comfortable,” sabi niya habang tinutukoy ang Former FaZe Clan player na si Corey “corey” Nigra. “Because when he is, he’s going to drop 30 kills.”

Pareho rin ang turing niya sa kanilang 16-year-old prodigy na si seven, ang pinakabatang miyembro ng koponan. “We want him to be comfortable when he starts lurking.”

Ang orihinal na TSM roster ay may excellent team play, pero kinakapos sila sa pagpapanatili ng kanilang firepower sa disenteng antas. Kapag naabot ng kasalukuyang TSM ang parehong lebel ng koordinasyon katulad ng sa nauna at name-maintain ang kanilang firepower, naniniwala si Subroza na magiging No. 1 ulit sila at magiging “unstoppable” kahit sino pa ang katapat.


Para sa Valorant news, guides, at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

Basahin ang orihinal na artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.