Nagpasiklab si duelist main Mark “Markyy” Tuling sa deciding map upang tulungan ang Oasis Gaming na pataubin ang Rex Regum Qeon (RRQ), 2-1, at ipagpatuloy ang kanilang nag-aapoy na lower bracket run patungo sa grand finals ng Valorant Champions Tour (VCT) 2022 Philippines Stage 2 Challengers.

Malahalimaw na performance ang ipinamalas ni Markyy gamit ang Jett sa ikatlong mapa na Ascent ng lower bracket finals para ma-set up ng Oasis ang championship match kontra sa powerhouse na Team Secret bukas.


Pumukol ng 30 kills ang Jett ni Markyy sa deciding map

Markyy ng Oasis Gaming
Credit: Oasis Gaming

Nakuha ng OAS ang first blood sa serye nang pangibabawan nila ang Breeze, 13-10, ngunit bumawi ang RRQ sa ikalawang mapa na Bind sa iskor na 13-8.

Maagang nag-init ang Oasis sa huling mapa na Ascent kung saan agad silang umarangkada sa 5-0 lead. Dito na nagsimulang magliyab ang mga kamay ni Markyy at nagtala ng multiple kills sa ilang rounds.

At nang magtangkang patotohanan ng RRQ ang 9-3 curse matapos ipanalo ang unang tatlong rounds ng second half, tumikada si Markyy ng ace para ibalik ang momentum sa OAS patungo sa 13-7 victory.

Sumatotal na 30 kills ang ipinukol ng Jett god ng Oasis kasama pa ang nakakamanghang 443 combat score at 3.4 KDA sa Ascent. Itinanghal siyang MVP hindi lang ng Game 3 kundi ng buong serye.

Credit: PPGL

Maaaring ituring na panibagong “Lower Bracket Kings” ang Oasis Gaming matapos nilang patumbahin din ang Bren Esports (2-1) at Stage 1 champion South Built Esports (2-1). Makakaharap ng Oasis sa best-of-five finals ang so far undefeated sa playoffs na Team Secret, na gigil kumpletuhin ang kanilang redemption arc ngayong Stage 2.

Pero may nais ding patunayan ang OAS, ayon kay Omar “coco” Lopez.

“A little bit (worried against Team Secret) because I know they’re the best team right now. But if you want to be the best, you need to beat the best. So, I think that’s what we need to do. We need to beat them,” wika ni coco sa post-match interview.

Mapapanood ang grand finals ng VCT PH Stage 2 Challengers sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL) bukas sa ganap na ika-1 ng hapon.

Sa kabila naman ng pagkatalo, sigurado nang pasok ang RRQ sa VCT APAC Challengers kasama ang Secret at Oasis. Nakuha rin nila ang $4,500 prize money para sa kanilang third-place finish.

Para sa Valorant news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.