Malapit nang mabawi ng Team Secret ang titulo bilang hari ng Valorant sa Pilipinas matapos nilang iselyo ang unang spot sa grand finals ng Valorant Champions Tour (VCT) 2022 Philippines Stage 2 Challengers.

Malinis na winalis nila Jayvee “DubsteP” Paguirigan at kanyang mga tropa ang Rex Regum Qeon (RRQ) sa iskor na 2-0 sa upper bracket finals at pinanatili ang kanilang perpektong takbo sa gumugulong na playoffs.


Pinadapa ng Team Secret ang RRQ sa Ascent at Split

Team Secret
Credit: Team Secret

Bukod sa makapasok sa VCT APAC Stage 2 Challengers kung saan nakataya ang mga tiket papunta sa susunod na Masters, misyon din ng Team Secret na bawiin ang korona sa VCT PH matapos ang malamyang performance sa Stage 1.

Kaya hindi na pinalampas ng Valorant Champions 2021 Top 8 finisher ang pagkakataon na sunggaban ang unang upuan sa grand finals at agad na nagpasiklab sa unang mapa na Ascent. Pinangunahan nila Riley “Witz” Go sa Jett at DubsteP sa Yoru ang 13-6 dominasyon sa kanilang map pick.

Credit: PPGL

Bagamat nanalo ang RRQ sa Split noon sa kanilang group stage match, ipinakita ng Secret na natuto sila lalo na pagdating sa attacker side. Matapos ang 6-6 first half, umarangkada sila Kevin “dispenser” Te at kanyang mga kakampi tungo sa 10-6 lead bago yupiin ang comeback attempt ng kalaban at isara ang serye sa iskor na 13-10.

“Nung nakalaban namin sila sa Split before, sobrang bilis nilang maglaro. So ayun nag-adjust lang kami sa mga ginagawa nila and so far, so good na-counter namin ‘yung mga plays nila,” paliwanag ni dispenser sa post-match interview.

Tinanghal na MVP series si DubsteP dahil sa kanyang magilas na laro sa Yoru at Raze.

Credit: PPGL

Kahit winalis nila ang RRQ, sinabi ni dispenser na sa palagay niya ay sila Kelly Kent “KellyS” Sedillo at kanyang mga kasamahan pa rin ang makakatunggali nila sa championships series.

“I think it will still be RRQ. If their defense is good, I think we will fight against them tomorrow.”

Kinakalaban sa ngayon ng RRQ sa lower bracket finals ang Oasis Gaming, na tinalo ang Stage 1 champion na South Built Esports sa LB semifinals kanina para sa huling slot sa APAC Challengers.

Mapapanood ang mga bakbakan sa Facebook, YouTube at Twitch channel ng Philippine Pro Gaming League (PPGL). Para sa Valorant news, guides at higlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.