Tuluyan nang natapos ang karera ng Team Secret sa Valorant Champions 2021 matapos silang talunin ng Acend.

Sa unang playoff series sa top 8, nagwagi ang Acend laban sa Filipino squad upang tanghaling kauna-unahang team na nakapasok sa semifinals.

Valorant Team Secret Acend Valorant Champions 2021

Medyo mas naging mahirap ang experience ng Team Secret sa group stage kumpara sa nakaharap na EMEA team. Una nilang nakalaban ang Gambit, na itinuturing na pinakamalakas na European team sa tournament. Nagawa ng Team Secret na Manalo sa unang mapa subalit namayagpag pa rin ang European squad sa series sa score na 2-1. Kinailangang magdaan ng Pinoy team sa dalawang elimination matches upang makapasok sa playoffs, bilang resulta ay napauwi nila ang Crazy Raccoon at Team Vikings.

Nagsimula ang playoffs series sa pagitan ng Team Secret at Acend sa Icebox, ang parehong mapa kung saan tinalo ng TS ang Gambit. Ngunit hindi ito naging katulad ng kanilang performance laban sa Gambit dahil sa pinakitang matibay na depensa ng Acend. Panalo ang Acend sa unang limang rounds kung saan nakakuha ng 3K sina zeek at cNed. Pinanalo ng Team Secret ang natirang apat na rounds ng unang half, ngunit nagsimula ang ikalawang half na may 8-4 lead ang Acend.

Nanatiling malakas ang Acend sa second half kung saan nakakuha rin si BONECOLD ng 1v2 clutch. Sinagot ito ng Team Secret ng isang three-round streak, na kinabilangan ng flawless win ng Filipino squad sa Round 16 sa isang napakagandang A Site attack. Gumanti ang Acend sa dalawang sumunod na round upang kunin ang match point, ngunit kahit pumalag pa ang Team Secret sa Round 20 ay tinapos na ng Acend ang game sa score na 13-8.

Huling pagkakataon na ng Team Secret na lumaban sa sumunod na game ngunit naging mahirap ito dahil sa map pick ng Acend na Breeze. Maganda ang bwelo ng Acend sa pagkuha nila ng unang limang rounds sa depensa. Sa kabila ng magandang ipinakita nila sa Round 10 na nakuha nila sa isang Thrifty win, halatang hirap ang Team Secret sa mapang ito at muling natapos ang first half sa score na 8-4, hindi nalalayo sa kwento ng naunang game.

Hindi natibag ang Acend sa tibay ng kanilang opensa, ipinanalo nila ang pistol round at nakapitas si zeek ng tatlo. Sinubukang pigilan ng Team Secret ang kanilang momentum sa Round 15 nang kumuha ng 4K si Dispenser sa B site. Ngunit isang round lang ang ipinanalo gn Team Secret matapos ito at tuluyan nang pinutol ng Acend ang kanilang karera sa kanilang 13-6 win.

Makakaharap ng Acend ang mananalo sa pagitan ng Team Liquid at Cloud9 sa December 11, 1:00 a.m. GMT+8.

Mapapanood ang mga laban sa official Twitch channel ng Valorant. Mapapanood naman ang Filipino broadcast sa official Twitch at Facebook page ng PPGL.