Nakarating na rin sa wakas ang Team Secret sa berlin, Germany isang linggo bago magsimula ang Valorant Champions 2021.
Ang itinuturing na pinakamalakas na Valorant team sa buong bansa, na dating naglalaro para sa Bren Esports, ay nakatapak na rin sa Berlin matapos mabigo na makalahok sa VCT Stage 3 Masters Berlin dahil sa kakulangan ng oras para maproseso ang kanilang visa ilang buwan na ang nakaraan.

Pero ngayon ay handa na sila, bitbit ang bandera ng Pilipinas, upang ipakita ang lakas ng Southeast Asia region sa pinakamalaking tournament ng Riot para sa Valorant.
Ang Team Secret ay maglalaro sa Group C, kung saan makakasagupa nila ang Team Viking ng Brazil, Crazy Raccoon ng Japan, at ang kampeon ng VCT Stage 3 Masters Berlin na Gambit Esports ng Russia. Una nilang makakaharap ang Gambit Esports sa December 2, 11:00 p.m. GMT +8.
Ang group stage ay magkakaroon ng double-elimination format na nangangahulugang kailangan nilang manalo nang dalawang beses upang mapabilang sa dalawang teams mula sa kanilang group na makakapasok sa playoffs. Ang bawat series group stage ay best-of-three.
Mapapanood ang mga laban sa opisyal na Twitch channel at YouTube page ng Valorant.