Muling namayagpag ang Team Secret upang kunin ang huling playoff slot ng Group C sa Valorant Champions 2021 sa Berlin, Germany.

Sa huling match ng Group C, nakaharap ng Pinoy squad ang Team Vikings ng Brazil. Ito ang pinakamahalagang laban sa kanilang group dahil dito pagdedesisyunan kung sino sa dalawang teams ang aabante patungong playoffs at kung sino ang mamamaalam na sa tournament.

Madugo ang pinagdaanan ng Team Vikings sa Haven nang pakainin sila ng Team Secret ng  alikabok sa unang half sa score na 9-3. Hindi silang nagawang masagip ng kinatatakutang 9-3 curse at tuluyang tinapos ng Filipino team ang unang game sa score na 13-6.

Sinubukan ng Brazilian team na bumawi sa ikalawang game na naganap sa Icebox sa pamamagitan ng pagkuha ng unang dalawang rounds sa pag-asang maputol ang momentum ng Team Secret, subalit bumwelta ang Pinoy squad ng anim na sunod-sunod na rounds na muling nagpalugmok sa Team Vikings. Hindi naiba ang kwento ng game 2 sa naunang game, at tuluyan nang tinapos ng Team Secret ang huling hadlang sa kanilang pagpasok sa playoffs 13-7 at tinapos ang series sa score na 2-0.

Pumalo ng 45 kills at 26 deaths sa kabuuan ng dalawang games ang match MVP na si Jayvee “DubsteP” Paguirigan na naglagay sa kanya sa 1.73 KD overall.

Sa post-match interview, pinasalamatan ni DubsteP ang Gambit Esports dahil sa mga natutunan nila nang makaharap nila ang reigning champs noong unang game ng Group C.

“It was our first stage match. I have to give props to Gambit because they really taught us a lot in terms of experience,” kwento ni DubsteP. “With Crazy Raccoons, Team Vikings, we’re not as hyper as we were against Gambit. We felt like we should just calm down a little and play the game how it should be.”

Valorant Team Secret DubsteP Post Match Interview
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Lalabanan ng Team Secret ang EU team na Acend sa unang Quarter Finals match sa December 9, 1 a.m. GMT+8.

Mapapanood ang mga laban sa official Twitch channel ng Valorant. Mapapanood naman ang Filipino broadcast sa official Twitch at Facebook page ng PPGL.