Ipinakita ng Team Secret kung bakit sila ang isa sa mga representatives ng SEA region sa Valorant Champions 2021 sa Berlin, Germany.

Sa kanilang ikalawang laban sa Group Stage, nakaharap ng Pinoy team ang Crazy Raccoon na mula sa Japan. Matindi ang nakataya sa laban na ito dahil kung sino man sa dalawang teams ang matalo ay magpapaalam na sa tournament.

Naganap ang unang sagupaan sa map pick ng Crazy Raccoon na Split. Madaling nag-init ang Controller ng mga Pinoy na si Jim “Borkum” Timbreza, dahilan upang mapaaga ang Borkum Time.

Natapos ang first half sa score na 8-4. Lalong lumaki ang kalamangan ng Team Secret nang maipanalo nila ang sumunod na tatlong rounds.

Sumubok ang Crazy Raccoon na habulin ang score at nakuha nila ang Round 16 matapos ang isang 2v1 situation nina Munchkin at Bazzi laban kay Borkum, ngunit mabilis na nabawi ng Filipino squad ang momentum nang kunin nila ang Flawless win sa sumunod na round.

Tuluyang tinapos ni Kevin “Dispenser” Te ang mapa sa score na 13-5 upang kunin ang unang puntos ng series para sa Team Secret.

Tinanghal na MVP ng Game 1 si Riley “Witz” Go na may 18 kills, 2.3 KDA, at 281 combat score.

Valorant Team Secret CrazyRaccoon Team Stats Game 1 Valorant Champions 2021
Credit: Valorant Champions 2021

Nagpatuloy ang bakbakan sa Haven, na map pick ng Team Secret. Naging balikatan ang unang apat na rounds sa score na 2-2, subalit tuluyan nang umarangkada ang mga beteranong Pinoy FPS players sa pagtungtong ng Round 5.

Pagdating ng Round 6 ay activated na rin si Jessie “JessieVash” Cuyco. Winalis niya ang apat na miyembro ng kalabang team para sa isa na namang Flawless win.

Sa mga huling rounds ay nagising na rin ang Jett player ng Team Secret na si Jayvee “DubsteP” Paguirigan.

Isa na namang Borkum Time ang naganap upang tapusin ang Game 2 sa score na 13-2 sa isang Clutch, at tuluyang tapusin serye sa iskor na 2-0.

Si JessieVash ang tinanghal na MVP ng Game 2 matapos magtala ng 15 kills, 2.3 KDA, at 313 combat score.

Valorant Team Secret CrazyRaccoon Team Stats Game 2 Valorant Champions 2021
Credit: Valorant Champions 2021

Namaalam na sa tournament ang Crazy Raccoon, habang magpapatuloy naman ang Team Secret upang harapin ang Team Viking para sa playoffs spot sa ikawalo ng Disyembre, sa ganap na ika-isa ng madaling araw.

Mapapanood ang mga laban sa official Twitch channel ng Valorant. Masusubaybayan naman ang Filipino broadcast sa official Twitch at Facebook page ng PPGL.