Nakaharap ng Team Secret ang Gambit Esports sa kanilang unang laban sa Valorant Champions 2021 sa Berlin, Germany.

Sa kanilang unang match sa Group Stage, nakatunggali ng Pinoy Valorant team ang mga kampeon ng VCT Stage 3 Masters Berlin sa isang best-of-three series.

Valorant Team Secret Gambit Esports Valorant Champions 2021
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Ginanap ang unang game sa Icebox, kung saan maagang nagpasiklab ang Team Secret nang maungusan nila ang mga kalaban sa isang three-point lead. Tinapos nila ang first half sa score na 8-4.

Sa mga huling sandali ng Round 19, napitas ni Nikita “d3ffo” Sudakov ang huling natititrang miyembro ng Team Secret na si Jessie “JessieVash” Cristy Cuyco, subalit nabigo syang i-diffuse ang spike na nagresulta sa pagkapanalo ng Pinoy team sa Game 1 sa score na 13-6.

Sa Breeze naman nagtagpo ang dalawang teams sa Game 2. Dito ipinakita ng Gambit Esports ang kanilang pambihirang koordinasyon na naging dahilan kung bakit sila ang kampeon ng VCT Stage 3 Masters Berlin, kabaligtaran naman nito ang ipinakita ng Team Secret na naging dahilan ng mabilis na pagtatapos ng ikatlong game sa score na 13-0.

Sa mapang Bind pinagdesisyunan ang kalalabasan ng laban. Naging dikit ang laban sa pagitan ng dalawang koponan sa first half ng match, ngunit tuluyang naghiwalay ang score sa second half nang mapako ang Team Secret sa 6 points. Gamit ang momentum na ito ay tinapos na ng Russian team ang game sa score na 13-6, upang kunin ang series sa score na 2-1.

Valorant Gambit Esports Valorant Champions 2021
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Aabante ang Gambit Esports sa upper bracket ng Group Stage laban sa Team Vikings sa Linggo, December 5, 4:00 a.m. GMT+8. Habang ang Team Secret naman ay magpapatuloy sa lower bracket laban sa Crazy Raccoon sa sa parehong araw, 10:00 p.m. GMT+8.

Mapapanood ng mga Valorant fans ang mga matches nang live sa Twitch channel at YouTube page ng Valorant.