Magsisimula na sa wakas ang pinakamalaking Valorant tournament ng taon: ang Valorant Champions 2021.

Tampok sa patimpalak na ito ang 16 na koponang nangibabaw sa 2021 VCT (Valorant Champions Tour) season. Ngayon, patutunayan na nila kung sino nga ba ang karapat-dapat na hirangin bilang ang kauna-unahang Valorant world champions.

Tiyak na kaabang-abang ang mga barilang magaganap sa turneong ito, kaya bukod sa Team Secret vs Gambit, narito pa ang dalawang bakbakan sa group stage na hindi dapat ma-miss.

Mga group stage match sa Valorant Champions 2021 na dapat subaybayan

Fnatic vs Cloud9 Blue

Tiyak na lalo lang mag-iinit ang rivalry sa pagitan ng Europe at North America ngayong Valorant Champions 2021 lalo na’t bigatin ang mga koponang nagdadala sa pangalan ng parehong rehiyon.

Magbabalik ang Fnatic sa Berlin matapos ang second-place finish nila sa VCT Stage 2 Masters VCT Stage 2 Masters Reykjavík. Kilala ang koponang ito sa kanilang information-based na laruan, maging ang masusi nilang paggamit sa mga ability ng agents.

Haharapin ng kinatawang ito ng Europe ang nagtagumpay sa mainit na VCT NA Last Chance Qualifier tournament na Cloud9 Blue.

Sa pangunguna ni Anthony “vanity” Malaspina, kaabang-abang ang unang pagsabak ng koponan sa international tournament. Napatunayan kasi ng Cloud9 Blue noong sinusubukan nilang iselyo ang tiket papuntang Berlin na sila ang tipo ng koponan na kayang mag-adjust sa kalagitnaan ng palaro.

Noong malaglag kasi sila sa lower bracket ng VCT NA LCQ, pinalitan ng koponan ang KAY/O nila para kay Raze. Ikinagulat ng ibang koponan ang pagtuon ng kanilang playstyle mula sa information-gathering papuntang entry-fragging kaya’t nagawa nilang samahan ang Sentinels at Team Envy para marepresenta ang kanilang rehiyon.

Dahil sa pagkakaiba ng paraan kung paano maglaro ng Valorant ang dalawang koponang ito kaya kaabang-abang ang bakabakang ito. Nakatakdang magharap ang Fnatic at Cloud9 Blue sa ikalawa ng Disyembre, sa ganap na ika-apat ng umaga. Sila ang ikalawang laban sa Group D.

Team Envy vs X10 Crit

Napatunayan ng Team Envy matapos ang second-place finish nila sa VCT Stage 3 Masters Berlin na isa sila sa mga dapat katakutan na teams papasok sa Valorant Champions 2021.

Lalo na’t nagkaroon na ng pagkakataon ang star fragger nilang si Jacob “yay” Whiteaker, na kilala rin bilang El Diablo, na makapagbatak kasama ang Team Envy, marahil ay handa na ang koponang iuwi ang kampeonato.

Haharapin ng mga higanteng ito mula North America ang Thai squad ng X10 CRIT (na dating kilala bilang X10 Esports).

Pinangibabawan ng X10 CRIT ang buong Southeast Asia noong VCT Stage 1 at 2, hanggang sa mabigo ang koponan na makadalo sa Stage 3 dahil sa wrist injury ng kanilang Jett main na si Patiphan “Patiphan” Chaiwong.

Kapanapanabik ang harapang matutunghayan sa pagitan ni El Diablo mula North America at Patiphan na magbabalik aksyon sa pinakamalking Valorant tournament ng taon.

Gaganapin ang Team Envy kontra X10 CRIT sa ika-apat ng Disyembre, sa ganap na ika-isa ng madaling araw. Sila ang ikalawang match sa Group A.

Team Secret vs Gambit Esports

Napabilib ng breakout star ng Gambit Esports na si Ayaz “nAts” Akhmetshin ang buong mundo matapos nitong magpamalas ng malulupit na positioning at high-IQ plays bilang Cypher at Viper.

Kaya naman dapat talagang subaybayan kung ano nga ba ang inihanda ng pambato ng Pilipinas na Team Secret kontra kampeon ng VCT Stage 3 Masters Berlin.

Matatandaang ‘di nakadalo ang mga Pinoy (bilang Bren Esports) noong nakaraang international Valorant tournament. Pero tila ‘di pa tapos magbiro ang tadhana dahil kahit naselyo ng Team Secret ang kanilang slot sa Berlin, ang defending champions naman ang sasalubong sa unang sabak nila.

Sa kabila nito, tiyak na hindi basta-basta magpapatinag ang mga Pinoy. Sigurado kasing inaabangan din ng mga beteranong bumubuo sa roster ng Team Secret ang pagkakataon na ibandera nila ang Pilipinas sa isang international FPS tournament.

Gaganapin ang Team Secret vs Gambit Esports sa ikalawa ng Disyembre sa ganap na ika-10 ng gabi. Sila ang unang laban sa Group C.


Nakatakdang iraos ang Valorant Champions Tour 2021 simula ika-isa hanggang ika-12 ng Disyembre. Masusubaybayan din ang aksyon sa Twitch at YouTube channels ng Valorant.

Ito ay pagsasalin mula sa orihinal na akdang matatagpuan dito.

BASAHIN: Mahigit 30,000 Valorant points ang pwedeng makuha sa ONE Esports Valorant Champions Fantasy Challenge