Si Tyson “TenZ” Ngo ay opisyal na nagbalik sa Sentinels Valorant roster matapos ang dalawang linggong pagpapahinga upang gumaling mula sa COVID-19 at pinsalang sa kanyang kaliwang daliri.
Sa isang announcement video ng organisasyon noong May 10, ang coach na si Adam “kaplan” Kaplan ay nakatakdang magbigay ng update sa kalagayan ng koponan, ngunit bigla siyang napigilan ng hindi inaasahang pagdating ni TenZ, na nagkumpirma ng kanyang pagbabalik.
Mula Week 4 hanggang 6 ng VCT Americas regular season, si Jimmy “Marved” Nguyen ang pumalit sa Sentinel star player sa roster, at nakaranas ang koponan ng tatlong kabiguan sa kanilang huling apat na laban.
TenZ maglalaro sa mga nalalabing matches ng VCT Americas regular season

Ang Sentinels ay hindi pa nagpapahayag kung sinong player sa koponan ang ililipat sa bench upang magbigay ng puwang sa pagbabalik ng pro player.
Gayunpaman, iniulat ng Valorant esports insider na si George Geddes na nakatakda nang humiwalay ang North American esports organization sa in-game leader ng koponan na si Rory “dephh” Jackson.
“They didn’t cut dephh,” sabi ni Geddes sa kanyang Twitch stream. “They parted ways with him. It was a mutual decision.”
Ang pagbabago sa roster ng Sentinels ay nangyari matapos nilang matalo ng 2-0 sa Evil Geniuses sa Week 6 ng VCT Americas. Ang koponan ngayon ay gumagawa ng lahat nang paraan upang manalo sa kanilang huling dalawang regular season matches at marahil ay makapasok sa playoffs.
Sa oras ng pagsusulat, nakapwesto ang Sentinels sa ika-8 na puwesto sa VCT Americas standings na mayroong record na 2-5. Tatlong koponan lamang ang makakapasok sa playoffs mula sa sampung koponan sa liga.
Kailangan ng Sentinels na manalo sa kanilang huling dalawang laro upang makapasok, habang kailangan din matalo ng dalawang koponan na nasa taas nila sa standings na may record na 3-4 – ang EG at 100 Thieves.
Sentinels Valorant roster
- Tyson “TenZ” Ngo
- Zachary “zekken” Patrone
- Bryan “pANcada” Luna
- Gustavo “Sacy” Rossi
- Jimmy “Marved” Nguyen
- Adam “kaplan” Kaplan (coach)
Si TenZ ay muling maglalaro para sa team sa May 15, 3 a.m. GMT+8 sa pagharap ng Sentinels sa KRÜ Esports sa Week 7.
Para sa iba pang balita at guides tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.